PADRE GARCIA, Batangas - Ang populasyon ng Pilipinas sa taong 2025 ay tinatayang aabot na sa mahigit 116 milyon ayon sa Stratista 2022. Kaya naman, panahon na para lalong paigtingin pa ang digitalisasyon sa sektor ng agrikultura dahil dito nakasalalay ang seguridad ng pagkain sa bansa. Sa pamamagitan ng digitalisasyon, ang crop planning at supply chain management ay ang mga pangunahing makikinabang mula rito.
Kaya naman ang “Agripreneurship Transformation thru Digitalization of Farm Operations Management” na pinangunahan ng MoCa Family Farm RLearning Center Inc, isang accredited Extension Service Provider (ESP) sa Padre Garcia, Batangas, katuwang ang Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ay isinagawa noong ika-19 hanggang ika-21 ng Oktubre, 2022. Layunin ng nasabing pagsasanay na maturuan ang mga kalahok ng mga kaalaman patungkol sa farm operations management at digital technologies na makakatulong upang mapaunlad ang kanilang mga sakahan.
Dalawampu't limang (25) magsasaka mula sa CALABARZON ang nagsipagtapos sa pagsasanay, na kinabibilangan ng Learning Site for Agriculture (LSA) cooperators ng DA-ATI CALABARZON.
"I feel so blessed and proud to be part of this big and historical event. I feel that this training started a transformed Agripreneurial mindset in me at bonus pa to be aligned with the technology of farming operations digitalization," pahayag ni G. Ricky Perez, may-ari ng Auspere Nature Farm sa Silang, Cavite.
Inaasahang ipagpapatuloy ng mga kalahok ang kanilang nasimulang pag-aaral sa digital na pamamaraan ng pamamahala ng kanilang sakahan gamit ang AgroDigitalPH application, isang digital platform na nakatuon sa production planning at market linkage. Patuloy ring aalalayan, susubaybayan at tuturuan ng MoCa Farm at DA-ATI CALABARZON ang mga kalahok sa tamang paggamit ng nasabing application bilang after-training support.