Benipisyo ng RCEF, Maigting na Pinapalaganap sa mga Magpapalay ng Candelaria, Quezon

Mon, 05/30/2022 - 16:47
Benipisyo ng RCEF, Maigting na Pinapalaganap sa mga Magpapalay ng Candelaria, Quezon

CANDELARIA, Quezon - Upang maibahagi sa mga magpapalay at benepisyaryo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ang kaalaman patungkol sa Balanced Fertilization Strategy (BFS), nagsagawa ang Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON katuwang ang Fertilizer and Pesticide Authority Regional Field Unit (FPA RFU) IV at Farmers' Information and Technology Services (FITS) Center Candelaria, Quezon ang ikalawang pangkat ng Information Caravan on BFS for RCEF Beneficiaries. Layunin ng programa na bigyang kaalaman ang mga magsasaka sa benepisyo at kapakinabangan ng BFS na gumagamit ng kombinasyon ng organiko at di-orkanikong pataba sa pagpapalay.

Nagsilbing tagapagsalita si Bb. Suzzetie Alcaide, Regional Officer mula sa FPA RFU IV. Sa kanyang presentasyon, nagkaroon ng pagtalakay sa mga pamamaraan upang mabawasan ang paggamit ng di-organikong pataba sa pagtatanim ng palay tulad ng paggamit ng kompost, Fermented Fruit Juice (FPJ) at hindi pagsusunog ng mga dayami.

Sa ikalawang bahagi ng gawain, tinalakay ni G. Hans Christopher Flores, Agriculturist I ng ATI CALABARZON, ang MOET, Leaf Color Chart (LCC) at Alternate Wetting and Dying o AWD. Sa pamamagitan ng mga nabanggit na tool o gamit sa pagpapalay, ito ay makakatulong upang matukoy ng mga magsasaka ang kalusugan ng kanilang palay at gayundin sa pamamahala ng tubig ng sakahan

Aktibong dinaluhan ang aktibidad ng limampung (50) kalahok mula sa Brgy. Buenavista East, Kinantihan I, Sta. Catalina Norte, San Isidro at Sta. Catalina Sur noong ika-24 ng Mayo, 2022.

Kaalinsabay ng gawain ang paglulunsad ng FITS Kiosks sa Brgy. Sta. Catalina Sur, Candelaria, Quezon. Ang limang (5) nasabing barangay na masusing dumaan sa field and validation evaluation ang nakatanggap ng suporta mula sa ATI CALABARZON upang maitatag ang FITS Kiosks sa kanilang komunidad.

Layunin ng programa na mapalawak ang paghahatid ng angkop na kaalaman sa pagpapalay, mga serbisyo na hatid ng RCEF at iba’t ibang teknolohiya sa pagsasaka sa mga nasabing komunidad.

Ang paglulunsad ay tinunghayan ni ATI CALABARZON OIC Center Director Dr. Rolando V. Maningas kasama ang mga punong-barangay, mga kawani ng FITS Center Candelaria at ilang mga magsasaka at magpapalay.

Sa kasalukuyan, mayroong 44 na FITS Kiosks sa buong rehiyon.

edited by: JBalmeo

article-seo
bad