BATANGAS CITY, Batangas – Matagumpay na tinipon ng Department of Agriculture- Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang 485 kabataan na sumailalim sa mga pagsasanay sa Binhi ng Pag-asa Program (BPP) sa lalawigang ito, upang pormal na igawad ang mga starter kits ng mga proyekto ng mga kabataan. Isinagawa ang Ceremonial Turn Over noong ika-29 ng Nobyembre ng taong kasalukuyan sa Provincial Auditorium sa Provincial Capitol ng Batangas.
Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa Office of Senator Grace Poe (OSGP) na si G. Adrian Tirao; Provincial Agriculturist na si Dr. Rodrigo Bautista Jr., kinatawan ng Provincial Veterinarian Office na si G. Noledo Lindog; kinatawan ng DA RFO IV-A na si G. Michael Lalap at mga Municipal at City Agriculturist coordinators na mga naging pangunahing katuwang ng DA-ATI IV-A sa pagsasakatuparan ng kabuuan ng Binhi ng Pag-asa Program.
Ilan sa mga proyekto ng labing-siyam (19) na pangkat mula sa mga bayan at lungsod ng Batangas ay ang beekeeping, hydroponics, aquaponics, urban gardening, native pig, rabbit raising at native at free-range chicken.
"Agriculture requires patience. If you got to go for agriculture, just don't be anybody else, be the best", pagbibigay-diin ni Provincial Administrator G. Wilifredo D. Racelis.
Nagbigay din ng pangwakas na mensahe si OIC, Training Center Superintendent II/ Center Director, Dr. Rolando V. Maningas sa mga dumalo sa programa. Inaasahan na magagamit ng mga kabataan ang mga napulot nilang kaalaman sa pagsasaka sa pagpapaunlad ng kani-kanilang proyekto bilang suporta sa adbokasiya upang masiguro ang pagkain sa kanilang komunidad at bayan.