TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Sa hangarin na mapaunlad at maitaas ang kasanayan at kapabilidad ng mga tekniko sa rehiyon CALABARZON tungo sa mataas na kalidad ng gawaing pang-ekstensyon, binigyang-daan ng Department of Agriculture- Agricultural Training Institute CALABARZON ang pangalawang pangkat ng “Extension and Training Management Capability Development (ETMCD) Course for Agricultural Extension Workers (AEWs)" mula Oktubre 17 hanggang Nobyembre 29 ng kasalukuyang taon.
Sa pamamagitan ng online platform at face-to-face training, naihatid ng Career Development and Management Section (CDMS) ng DA-ATI CALABARZON ang mga paksa at modyul mula sa Training Curriculum na binuo ng ahensya sa loob ng sampung (10) sessions.
Upang mapatibay ang kanilang kasanayan, ang mga kalahok ay nagkaroon ng pagsasagawa ng Participatory Rapid Rural Appraisal (PRRA), pakikibilang sa komunidad o community immersion, at microteaching.
Bilang bagong kawani ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng, ikinatutuwa ni Bb. Aurelyn Tolentino ang mapabilang na kalahok sa ETMCD. “I really need this kind of training for me to be an equipped AEW,” aniya.
“Sobrang clear ng discussion, informative, at talagang makakatulong sa bawat partcipants,” bahagi naman ni G. Mark Julius Dahil mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Quezon sa kanyang komento sa mga naging tagapagtalakay ng pagsasanay.
Ayon kay Bb. Vira Elyssa Jamolin, Chief ng CDMS at Project Officer, ang 23 kalahok mula sa mga Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor, Panglungsod na Beterinaryo, Pambayang Agrikultor sa lalawigan ng Cavite, Laguna at Quezon, at mga kawani mula sa DA-Philippine Carabao Center- UPLB at DA-ATI CALABARZON ay makakatanggap ng 20 CPD points mula sa Professional Regulation Commission (PRC) sa kanilang matagumpay na pagtatapos sa pagsasanay.
Sa pagtatapos, nagpahatid ng mensahe ng pagbati at paghamon si DA-ATI CALABARZON OIC Center Director Dr. Rolando V. Maningas para sa mga nagsipagtapos na magsisilbing bagong henerasyon ng Agricultural Extension Workers (AEWs) na haharap sa mga hamon ng pagbibigay ng serbisyo sa larangan ng ekstensyon sa rehiyon.
Isinagawa ang mga face-to-face sessions sa DA-ATI CALABARZON Compound, Brgy. Lapidario, sa lungsod na ito.
Ang ETMCD ay isang pagsasanay nadinesenyo ng DA-ATI CALABARZON na angkop sa pagpapaunlad ng kakayahan at kasanayan ng Agricultural Extension Workers (AEWs) o tekniko.