30 na mga magpapalay sa Batangas, nagtapos sa pagsasanay sa rice tech updates at diversification

Mon, 04/15/2024 - 16:28
30 na mga magpapalay sa Batangas, nagtapos sa pagsasanay sa rice tech updates at diversification

TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Tatlumpung (30) mga magpapalay mula sa iba’t ibang rice clusters sa mga bayan ng Nasugbu at Padre Garcia sa Batangas ang nagtapos sa ikalawang batch ng Capability Enhancement for Farmer Leaders na may titulong “Embracing Ingenuity through Rice-Based Farming System and Diversification Technologies” na nagsimula noong ika-10 ng Abril hanggang ika-12 ng Abril, 2024 sa Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON.

Sa pangunguna ng Partnerships and Accreditation Section (PAS) ng DA-ATI CALABARZON, layunin ng pagsasanay na palakasin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa iba't ibang rice technology updates at diversification. 

Katuwang sa pagpapatupad ng pagsasanay ang DA-Regional Field Office (RFO) IV-A, Philippine Rice Research Institute-Los Baños (PhilRice-LB), Bureau of Animal Industry-National Swine and Poultry Research and Development Center (BAI-NSPRDC), gayundin ang Agrie’s Integrated Natural Farm at Kititay’s Integrated Farm na mga Learning Sites for Agriculture ng DA-ATI CALABARZON sa Magdalena, Laguna.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, ibinahagi ng mga piling kalahok ang mahahalagang natutuhan nila at kanilang pasasalamat. Ani Natalia Tolentino ng Nasugbu, Batangas, “Marami kaming natutunan sa pagsasanay na ito at isang bagay ang sinisigurado ko na pagdating namin sa amin ay ibabahagi ko rin ito sa aming mga kapwa magsasaka.”

Nagpaabot din ng mensahe si DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas sa mga kalahok. Aniya, “Makakaasa po kayo na kami sa ATI CALABARZON ay patuloy na susuporta sa inyo at nawa’y maibahagi ninyo ang mga kaalaman sa inyong mga ka-miyembro. Congratulations!”  

Ulat ni: Mary Grace P. Leidia


 

article-seo
bad