QUEZON Province — Matagumpay na naisagawa ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang limang (5) pangkat ng “Municipal Training for Binhi ng Pag-asa Program” na layuning paunlarin ang kaalaman at kakayahan ng mga kabataan sa Quezon pagdating sa pamamahala ng iba’t ibang proyekto sa sektor ng agrikultura. Aktibong lumahok at nagsipagtapos sa mga serye ng pagsasanay ng programa ang mga kabataan mula sa mga bayan ng Alabat, Perez, Quezon, Macalelon, Pitogo, Unisan, Atimonan, Gumaca, Plaridel, Agdangan, Padre Burgos, Pagbilao, Dolores, at San Antonio. Gayundin, ilan sa mga teknolohiya at proyektong matatanggap ng mga nasabing bayan ay ang mga sumusunod: Free Range Chicken Production, Organic Agriculture, Hydroponics, at Pig Production. Katuwang ng DA-ATI CALABARZON sa pagsasakatuparan ng programa ang mga tagapagtalakay mula sa opisina ni Sen. Grace Poe na humubog sa mga kalahok sa mga paksa gaya ng Leadership and Values, Agripreneurship, at Agri Digital Marketing.
Kabalikat din sa programa ang mga eksperto mula sa Office of the Provincial Agriculturist at Office of the Provincial Veterinarian ng lalawigan ng Quezon para naman sa mga talakayang pang-agrikultura. “Pasasalamat po sa DA-ATI CALABARZON at sa BPP, alam ko po na hindi lang kami ang mabibigyan ng tulong at kaalamang pang-agrikultura, na ang sabi nga po, gumagaan ang gawain kung tayo'y nagkakaisa. Kung tayo naman ay hindi magkakaisa, bumibigat ang ating adhikain. At naniniwala po ako na kaya nating itaas ang sektor ng agrikultura sa ating bansa,” pahayag ni Alejandro Andal mula sa bayan ng Padre Burgos, Quezon. Ang mga serye ng pagsasanay na nagtapos para sa buwan ng Agosto ay ginanap sa Zeyen Farming School, Alabat, Quezon; Cortijo de Palsabangon, Pagbilao, Quezon; at Uma Verde Econature Farm Inc., Candelaria, Quezon, na ilan sa mga accredited Learning Site for Agriculture ng DA-ATI CALABARZON