AEWs ng CALABARZON, Nakatapos sa Pagsasanay Tungkol sa Kape

Sat, 03/19/2022 - 17:25
AEWs ng CALABARZON, Nakatapos sa Pagsasanay Tungkol sa Kape

TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Dalwampu’t – limang (25) Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa iba’t – ibang bayan ng rehiyong CALABARZON ang pumasa sa aktwal na pagsusulit at nagsipagtapos sa limang-araw na “Pagsasanay ng mga Tagapagsanay tungkol sa Produksyon, Postharvest at Pagpoproseso ng Kape.” Isinagawa ng Agricultural Training Institute sa CALABARZON ang nasabing pagsasanay sa pakikipagtulungan sa National Coffee Research and Development Extension Center ng Cavite State University (NCRDEC – CvSU).

Layunin ng pagsasanay na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa teknolohiya ng pagtatanim, postharvest at pagpoproseso ng kape.

Sa unang araw at pagbubukas ng training, nagpaabot ng mensahe ang Center Director ng ATICalabarzon na si Gng. Marites Piamonte – Cosico, na sinundan din ng Director ng NCRDEC na si Engr. Gerry M. Castillo.

Nagsilbing tagapagtalakay ang mga mga ekspertong sina Dr. Miriam Baltazar, G. Rodrigo Diloy, Dr. Marilyn Escobar at G. Ronald Peña na nagmula sa NCRDEC – CvSU. Tinalakay sa pagsasanay ang mga paksa mula sa Pagkalahatang Ideya sa Philippine Coffee Industry, iba’t – ibang Species ng Kape sa Bansa, Pagtatatag at Pamamahala ng Coffee Nursery and Plantation hanggang Pangunahin at Pangalawang Pagpoproseso ng Kape.

Sa pagtatapos ng gawain ay nagbigay naman ng hamon si Bb. Vira Jamolin, CDMS Section Chief, para sa mga kalahok ng pagsasanay. “This training is the start of your fire. May you keep your fire burning, your passion for learning, sharing and uplifting of our coffee farmers,” batid ni Bb. Jamolin.

Ang pagsasanay ay ginanap noong ika-14 hanggang ika-18 ng Marso, 2022 at may kalakip na 11 Continuing Professional Development o CPD units sa PRC.

Ulat ni: Lizbeth David

article-seo
bad