DOLORES, Quezon - Bilang suporta sa patuloy na pagsisikap ng Kagawaran ng Agrikultura na mabigyan ang mga magsasaka ng mga de-kalidad na input upang makatulong sa pagpapalaki ng kanilang kabuhayan, ang Agricultural Training Institute Region IV-A sa ilalim ng National Livestock Program ay pormal na inilunsad ang “Artificial Insemination o AI sa Barangay” sa Barangay Pinagdanlayan.
Layunin ng programa na mag-supply ng magandang kalidad ng semilya ng baboy upang mapataas ang lahi ng mga alagaing baboy sa kanilang bayan.
Pinangasiwaan ng Pinagdanlayan Natural Hog Growers Association ang pagdadaos ng programa. Samantala, pinasinayaan ni Bb. Sherylou C. Alfaro, OIC, Asst. Center Director, ATI IVA, kasama ang mga katuwang sa programa ng paghahayupan, Bb. Jennifer L. Cusi, kinatawan ng Office of Provincial Veterinarian-Quezon at G. Eldrin Rubico, Municipal Agriculturist ng Bayan ng Dolores ang naturang programa na ginanap noong ika-12 ng Hulyo taong 2022.
Tampok din sa programa ang ribbon cutting sa AI Center na siyang pasimula sa pagpapalaganap ng programa sa barangay at maging sa mga kalapit na komunidad na posibleng maging benepisyaryo. Lubos ang pasasalamat ng mga miyembro ng asosasyon sa mga ahensya na naging katuwang upang maisagawa ang programa sa kanilang bayan. Nagpahayag din ng suporta ang lokal na pamahalaan ng Dolores at probinsya ng Quezon upang patuloy na maging matagumpay ang programa sa kanilang lugar.
Ulat nina:
Nilalaman: Marian Lovella A. Parot
Unang Panulat: Diane E. Mariz