Industriya ng gatasang kalabaw, layong paunlarin ng SOA Program ng DA-ATI CALABARZON; 325 na mga kalahok, nagsipagtapos na

Tue, 10/17/2023 - 17:13

LOS BAÑOS, Laguna – Nagtapos na ang 325 na mga mag-aalaga at maggagatas ng kalabaw sa School-on-the-Air (SOA) Program on Dairy Buffalo Production o mas kilala sa, “CaraWOW! Radyo Eskwela sa Gatasang Kalabaw” ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON na ginanap sa Baker Hall, University of the Philippines Los Baños (UPLB), nitong Oktubre 13.

Layon ng nasabing radyo-eskwela na mapaunlad ang industriya ng gatasang kalabaw sa CALABARZON sa pamamagitan ng mga kaalaman, kasanayan, at teknolohiya mula sa mga guro na ekspekto sa 19 na mahahalagang paksang tinalakay sa programa sa loob ng dalawang buwang pagsasahimpapawid.

Nagmula ang mga nagsipagtapos sa iba’t ibang bayan sa rehiyon, partikular sa mga bayan ng Lobo, Rosario, at San Juan sa Batangas; General Trias City, Maragondon, at Tanza sa Cavite; Magdalena sa Laguna; at Mauban, Sariaya, at Tayabas City sa Quezon.

“Malaki ang naibabahagi ng programang ito upang mas palakasin ang pagpapalaganap at lubos na matutukan pa ang pagtugon sa mga pangangailangan ng makabagong impormasyon at teknolohiya patungkol sa industriya ng gatasang kalabaw sa ating rehiyon,” ani Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, sa kanyang pangwakas na pananalita sa araw ng pagtatapos. 

Dumalo rin sa nasabing pagtatapos si Dr. Eric P. Palacpac, Knowledge Management Division Chief ng Philippine Carabao Center (PCC) National Headquarters and Gene Pool; OIC-Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON Bb. Sherylou C. Alfaro; Center Director ng PCC-UPLB Dr. Thelma A. Saludes; Bb. Honeylet Famillaran mula sa tanggapan ni Sen. Cynthia A. Villar; at mga panlalawigang beterinaryo na sina Dr. Flomella Caguicla (Quezon), Dr. Mary Grace Bustamante (Laguna), at Dr. Romel Marasigan (Batangas).

Nagpaabot naman ng pagbati sa pamamagitan ng recorded video sina Sen. Cynthia A. Villar, Senate Committee Chair on Agriculture and Food; at Engr. Remelyn R. Recoter, OIC-Director IV ng DA-ATI Central Office. 

Nagsimulang umere ang “CaraWOW! Radyo Eskwela sa Gatasang Kalabaw” o ang ‘School-on-the-Air (SOA) on Dairy Buffalo Production’ noong ika-27 ng Hunyo hanggang ika-16 ng Agosto, na napanood at napakinggan sa opisyal na Facebook page at YouTube channel ng DA-ATI CALABARZON, 95.1 Kiss FM Tayabas, at Radyo Natin Laguna 102.5 FM.

Pinangunahan ito ng Information Services Section (ISS) ng DA-ATI CALABARZON, katuwang ang PCC-UPLB.

Isa ang SOA sa mga inisyatiba ng DA-ATI upang makapaghatid ng angkop na extension services sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng distance learning. Matatandaang nauna na ring nagtapos ang 555 mga magniniyog sa Quezon para sa “Masaganang Coco-buhayan: School-on-the-Air (SOA) on Coconut Production and Processing” noong ika-20 ng Setyembre na bahagi rin ng programang SOA ng DA-ATI.

Samantala, maaari namang i-access ang mga larawan ng ginanap na pagtatapos sa pamamagitan ng link na ito: https://drive.google.com/drive/folders/1hino2pn5X8lzUMoBvNEVwS4mDaom3pXr?usp=sharing

ulat ni: Archie C. Linsasagin

article-seo
bad