Kabataan sa CALABARZON, Namamayagpag ang “AgriBusiness Ventures”

Wed, 05/11/2022 - 12:18
Kabataan sa CALABARZON, Namamayagpag ang “AgriBusiness Ventures”

TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Isa-isang binisita ni Agricultural Training Institute (ATI)-CALABARZON Center Director, Bb. Marites Piamonte-Cosico at Assistant Center Director, Dr. Rolando Maningas ang mga kabataang nakatanggap ng “business proposal grants” mula sa “Young Agripreneurship Program” (YAP).

Sa ilalim ng kategoryang ‘Beginner,’ nasungkit ni G. Lowell De Jesus, tubong Cardona, Rizal. ang kampyeonato. Nabigyan siya ng pondo upang makapagsimula ng proyekto, at kanyang pinili ang “Freshwater Prawn Culture in an Outdoor Tank.” Nakatakda nang umpisahan ni De Jesus ang produksyon ng kanyang fresh water prawns pagpatak ng panahon ng taglamig.

Sa ilalim pa rin ng ‘beginner category’, “mushroom production” naman ang panukalang proyekto ng nanalo sa ikalimang pwesto na kabataang agripreneur na si Dave Hachero. Sa kasalukuyan, sinisimulan na ang konstruksyon ng growing house at mixing area para sa kanyang mga kabute.

Si Jairo Rabano ang isa sa nagwagi ng project grant sa ilalim ng ‘intermediate category.’ Hydroponics lettuce ice cream ang kanyang napiling proyekto, at bilang paghahanda sa produkto nya, nakapagpatayo na sya ng greenhouse at Hydroponics facility mula sa nasabing grant.

Samantala, “Large Flower Mushroom Production” naman ang panukalang proyekto ng young agripreneur mula sa Binangonan, Rizal na si Anne Rose Amoguis. Katuwang nya sa pamamalakad nito ang isa ring kalahok na si John Japhet Diola, at sa kasalukuyan ay patuloy ang konstruksyon ng growing house at processing area.

Sa ilalim naman ng advanced category, tumanggap ng project grant ang isa ring aktibong kabataan na tubong Silang, Cavite, si Cherrish Del Rosario. Mula sa mga kahoy galing sa mga tanim niyang kape, napagdesisyunan niyang itaguyod ang “Wood Vinegar Production.” Sa ngayon ay patuloy na ang produksyon at ‘fermentation’ ng kanyang wood vinegar.

Si Margarette Ann Lanquino na residente ng Indang, Cavite ay pinagbubuti naman ang kanyang proyektong, “Fruits and Vegetable Dehydration.”

Ang pag-monitor ng mga nasabing proyekto ay isinagawa mula Marso hanggang Abril, sa koordinasyon ni G. Roy Roger Victoria II, 4H Focal Person mula sa ATI CALABARZON.

Sa ulat ni: Roy Roger Victoria II

article-seo
bad