TRECE MARTIRES CITY, Cavite – “Nailabas nung training yung hidden talent ng lahat. Hindi natin inaakala na kaya natin ‘to - yung public speaking. Pwede pala akong resource person. And with the help of the whole team, na-discover natin sa mga sarili natin ito. So, I think ito ay very helpful, dahil ang topic natin sa radio and online broadcasting, kahit yung sa maliit na group meeting, magagamit natin yung do’s and don’ts.
Ito ang ibinahagi ni Jessica Gay Ortiz, isang Veterinarian sa Philippine Carabao Center IV, na isa sa 21 na kalahok ng pagsasanay ng DA-Agricultural Training Institute-CALABARZON na “Training on Basic Radio and Online Broadcasting.”
Ang mga kalahok ay sumailalim sa isang pagsasanay tungo sa pagiging isang brodkaster sa radyo at sa pamamagitan ng online platforms. Sa tulong ng mga eksperto, kabilang ang mismong Executive Vice President ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP), Mr. Noel Galvez, naipaliwanag sa mga kalahok ang mahalagang gampanin ng isang responsableng brodkaster. Tinalakay ni Galvez ang KBP Broadcast Code. Samantala, ang media practitioner naman na si Mr. Clay Hernandez ng Brigada-Batangas ang nagturo sa mga kalahok ng mga prinsipyo ng pagsusulat para sa radyo at paggawa ng komprehensibong mga balita.
Samantala, si Mr. Richard Orlain, Operations Manager ng Radyo Natin Laguna naman ang nagpaliwanag ng tungkol sa mga gamit na matatagpuan sa isang simpleng recording booth o local radio station. Nagsilbi rin siyang panelist sa ginawang “simulation activity” ng mga kalahok kung saan ang bawat grupo ay lumikha ng 15 minutong programa na kanilang live na inilahad sa recording booth ng DA-ATI CALABARZON.
Ang mga tagapagsanay na sina Ms. Jamila Monette Balmeo at Ms. Maridelle Jaurigue ay nagtalakay din ng Introduction to Broadcasting at School on the Air Components.
Isinagawa ang pagsasanay sa Sentrong Pansanayan ng DA-ATI CALABARZON sa lungsod na ito noong ika-20 hanggang 22 ng Pebrero, sa pangunguna ng Information Services Section, sa pamamagitan ni Ms. Maridelle Jaurigue.