LOS BANOS, LAGUNA- Tatlumpu’t walong (38) mga benipisaryo ng Kalabaw mula sa mga proyekto ng DA-PCC ang sinanay sa “Training on Dairy Buffalo Production and Management” mula ika – 28 Setyembre hangang ika-1 ng Oktubre 2022. Ang pagsasanay ay sa pakikipagtulungan ng Agricultural Training Institute Region IVA , Philippine Carabao Center at Villar SIPAG Farm School.
Pinasinayaan nina Sen. Cynthia A. Villar, Chairman, Senate Committee on Agriculture and Food, Dir. Remelyn R. Recoter, OIC, Director IV Agricultural Training Institute, Dr. Rolando V. Maningas, OIC Training Center Superintendent II, ATI IVA at Dr. Thelma A. Saludes, Center Director, DA-PCC UPLB ang unang araw ng pagsasanay. Ang bawat isa ay nagbigay ng kani-kanilang mga mensahe ng pagtanggap at paghamon sa mga kalahok upang mapataas ang alokasyon ng gatas na nagmumula sa kalabaw.
Sa loob ng apat na araw na pagsasanay, ibinahagi ng mga eksperto mula sa DA- PCC UPLB at Nueva Ecija ang mga paksa ukol sa tamang pangangalaga, pakain at pagatas sa gatasang kalabaw. Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga kalahok na matutunan ang aktwal na pagkuha ng damo, paggawa ng silage at pakain at pagagatas sa kalabaw gamit lamang ang kamay.
Sa pagtatapos ng programa, nagbigay ng isang impresyon si Dr. Larry Puputi na kalahok mula sa lalawigan ng Apayao.
“Una sa lahat maraming salamat po dahil nabigyan ako ng pagkakataon na maging bahagi sa pagsasanay na ito. Noong una akala ko alam ko na lahat ngunit habang natagal ay na-realize ko na madami pa pala akong hindi alam. Nararapat lamang po na bigyan ko ng pasasalamat ang ATI, PCC at Villar dahil napakaganda po ng pagsasanay na ito mula sa unang araw hangang nagyon sa ating pagtatapos. Isa din lang po ang nais kong i-emphasize sa lahat po ng network ng ATI sa bansa ang tumatatak po talaga sa akin na aktibo at tumatangap na kalahok kahit outside ng region nila ay ang ATI Calabarzon at Central Luzon. Muli po ako ay uuwi sa Apayao na busog ang mata, utak at puso,”aniya.
Ulat ni: Marian Lovella Parot