Batangas Province- Ginanap ng DA – Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang huling pangkat ng pagsasanay para sa Binhi ng Pag-asa Program. Sa kabuuang bilang, 442 kabataan ang nagsipagtapos sa 17 batches/pangkat ng pagsasanay ukol sa iba’t-ibang teknolohiyang pang-agrikultura gaya ng pagaalaga at papoproseso ng native swine, native chicken, free-range chicken, rabbit, stingless bee, pangangasiwa ng aquaponics, hydroponics at urban organic garden.
Ito ay sa pangunguna ng mga kaagapay na tagapagsalita mula sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor at Pambayang Agrikultor, Panlalawigang Beterinaryo ng Batangas; mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region IV-A; mula sa sertipikadong Learning Site for Agriculture. Tinalakay din ang National Socio-Economic Situation of the Philippines, Leadership and Values Formation, Agricultural Policies, Agripreneurship and Social Media in farming na pinangasiwaan naman ng mga tagapagtalakay mula sa tanggapan ni Sen. Grace Poe.
Bilang parte ng programa, nagsagawa ng culminating activity ang DA-ATI CALABARZON noong noong ika- 28 ng Oktubre, kasama ang ilan sa mga kaagapay at tagapagsalita sa nasabing programa kung saan nagkaroon ng pagbabalik-tanaw at paglalatag ng mga plano ng programa. Isa rin itong pagkakataon kung saan napasalamatan lahat ng mga nakaagapay para sa matagumpay na pag dadaos ng pag sasanay. Nagbigay ng Mensahe ang OIC, Center Director ng DA-ATI Calabarzon na si Dr. Rolando Maningas.
“Hindi dito magtatapos sa pagsasanay ang ating pagsasama--magkakaroon pa tayo ng pamamahagi ng starter kits. Hangad namin na mapalago at mapaunlad ninyo ang mga starter kits na ipagkakaloob sa inyo.”
Upang maging mas makabuluhan ang mga nasabing pagsasanay, ang bawat kalahok na kabataan ay pagkakalooban ng mga starter kits mula sa kani-kanilang napiling proyekto. Sisimulan ang nasabing pamamahagi ng starter kits ngayong buwan ng Nobyembre. Samantala, ang ahensya ay magsasagawa ng official na Turnover Ceremony ng starter kits sa araw ng ika-29 ng Nobyembre kung saan dadaluhan ito ng mga Municipal Agriculturist at piling mga kabataan mula sa bawat bayan ng probinsya ng Batangas.
Ulat ni: Roy Roger Victoria II