TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Matagumpay na naisagawa ang pangalawang batch ng Refresher Course for Agricultural Extension Workers (AEWs) na may titulong “Training on Rice Technology Updates and Farm Mechanization for AEWs” sa pangunguna ng Partnership Accreditation Section (PAS) ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI CALABARZON) na nagsimula noong ika-21 ng Agosto hanggang ika-25 ng Agosto, 2023.
Nilalayon ng pagsasanay na paunlarin ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok sa iba't ibang makabagong impormasyon sa teknolohiya at makinarya sa pagpapalay.
Sa pagsisimula ng pagsasanay, nagbigay ng mensahe ng pagsuporta ang Center Director ng ATI-CALABARZON na si Dr. Rolando V. Maningas. Katuwang sa pagpapatupad ng pagsasanay ang Department of Agriculture - Regional Field Office (DA-RFO) IV-A, DA-Philippine Rice Research Institute Los Baños (PhilRice-LB), at DA-Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech).
Sa pagtatapos ng pagsasanay, ibinahagi ng mga piling mga kalahok ang mahahalagang natutuhan nila at ang kanilang pasasalamat.
Pahayag ni G. Joe Kim Cristal, tekniko mula sa bayan ng Candelaria, Quezon, “Ang Farm Mechanization ay isang mahalagang aspeto na talagang dapat kasama sa mga pagsasanay pagdating sa rice program. Kasi kitang-kita na natin na ‘yung cost of labor ay napakataas na at wala ng mga laborer na makuha.”
Sa pagtatapos ng programa, ipinaabot ni Gng. Sherylou C. Alfaro, OIC Assistant Center Director ng ATI CALABARZON, ang pasasalamat at suporta ng ahensya sa mga kalahok.
Nilahukan ang nasabing gawain ng labing-walong (18) mga tekniko mula sa iba’t ibang bayan sa CALABARZON at dalawang (2) technical staff mula sa DA-RFO IV-A. Ang bawat kalahok na may lisensyang pang-agrikultor ay nagkamit ng 12 CPD points mula sa pagsasanay.
Ginanap ang pagsasanay sa ATI CALABARZON Training Hall, Brgy. Lapidario, Trece Martires City, Cavite. Samantalang isinagawa naman ang mga aktwal na paggamit sa mga makinarya sa Javier Integrated Farm, isang Learning Site for Agriculture ng ATI CALABARZON at RCEF Farm School (FS) na matatagpuan sa Calauan, Laguna.