Produksyon at Pagpoproseso ng Cacao, Tampok sa Pagsasanay ng ATI

Sun, 06/26/2022 - 10:57
Produksyon at Pagpoproseso ng Cacao, Tampok sa Pagsasanay ng ATI

TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Upang patuloy na mapalawig ang industriya ng pagka-cacao sa rehiyon, ang Agricultural Training Institute sa rehiyong CALABARZON sa pakikipagtulungan sa Villar SIPAG Farm School ay nagsagawa ng Pagsasanay sa Produksyon, Pagpoproseso at Pagmemerkado ng Cacao.

Ang nasabing pagsasanay ay nilahukan ng dalwampu’t-lima (25) na magsasaka mula sa iba’t-ibang lalawigan ng Rehiyon 4-A at Rehiyon 5 at Agricultural Extension Worker mula sa Department of Agriculture – High Value Crops and Rural Credit (DA – HVCRC) sa pamamagitan ng Zoom at face-to-face session sa ATI Region IV – A Training Hall.

Dumalo at nagpabatid ng mensahe noong pagbubukas ng programa ang OIC, Center Director ng ATI Calabarzon na si Dr. Rolando V. Maningas, ang Undersecretary ng DA – HVCRC na si Gng. Evelyn G. Laviña, Chief of Staff ng Senate Committee on Food and Agriculture na si Atty. Rhaegee V. Tamaña at higit sa lahat ng Chairman ng Senate Committee ng Food and Agriculture, Senator Cynthia A. Villar.

Ang pagsasanay ay naglalayong palawigin ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa produksyon at pagpoproseso ng cacao, pati na ang pagmemerkado nito. Mga eksperto mula sa DA – HVCRC, Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS), Four K Kakao Farm, Regional Crop Protection Center at Agribusiness and Marketing Assistance Service Division ng DA – Regional Field Office IV – A naman ang nagtalakay ng iba’t-ibang paksa na makatutulong sa mga kalahok na makamit ang nilalayon ng pagsasanay.

Ang mga kalahok ay nagkaroon din ng aktwal na hands-on demonstration sa Villar SIPAG Farm School sa siyudad ng Bacoor, sa sakahan ng cacao ni G. Felimon Reyes at Processing Center ng Auspere Nature Farm sa bayan ng Silang, lalawigan ng Cavite. Naranasan ng mga kalahok ang tamang paraang ng pag-prune upang mapangalagaan ang puno ng cacao, aplikasyon ng fertilizer pati na ang pagpoproseso ng cacao upang makagawa ng tablea at tsokolate.

Sa pagtatapos ng mga kalahok sa pagsasanay naman ay naibahagi ng isa sa mga nagbigay ng impresyon na si G. Jose Maria Christopher Basco. “With the help of this training, I believe that more and more farm owners will be encouraged to plant cacao; or the existing planters will now prioritize taking care of their cacao trees, at ang mga natutunan ko dito ay patuloy kong palalawigin at ibabahagi sa kapwa ko magka-cacao.”

Nagpaabot ng mensahe ang OIC, Assistant Center Director ng ATI Calabarzon na si Gng. Sherylou C. Alfaro kasama ang hamon na magpatuloy ang mga kalahok sa pananaliksik at pag-aaral sa pagka-cacao at patuloy na makapagpalawig ng kanilang sakahan at makacontribute sa industriya ng cacao sa bansa. Muli ding nagpaabot ng mensahe ang butihing Senator Cynthia A. Villar upang patuloy na hikayatin ang mga kalahok sa pagka-cacao.

Ang pagsasanay ay naganap noong ika-20 hanggang ika-24 ng Hunyo, taong 2022.

Ulat ni: Engr. John Mendoza

article-seo
bad