ProVet Offices, Handa nang Mas Ipalaganap ang Mga Serbisyo sa Tulong ng Social Media Platforms

Wed, 11/16/2022 - 10:37
Isang kalahok mula sa ProVet na nagtapos sa Pagsasanay

TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Sa pag-usbong ng makabagong panahon, patuloy na tinatangkilik ang social media platforms hindi lamang sa larangan ng entertainment, gayon na din sa pagpapalaganap ng mahahalagang impormasyon. Bilang suporta, pinangunahan ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pamamagitan ng Career Development and Management Section (CDMS) ang pagsasagawa ng pagsasanay upang pahusayin ang kaalaman at kasanayan ng mga kawani sa social media marketing bilang Information and Communication Technology (ICT) tool at digital platform.

Pinasinayaan ng OIC, Assistant Center Director ng ahensya na si Bb. Sherylou C. Alfaro ang pagbubukas ng programa kung saan aktibong lumahok sa pagsasanay ang dalawampung (20) tekniko mula sa Provincial Veterinary Offices ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon at mga piling kawani ng ahensya.

Nagsilbing tagapagtalakay si G. Nino James Haos, isang social media manager mula sa Cagayan de Oro City. Ilan sa kanyang mga naging paksa ang Social Media Marketing, Content Writing, Branding at Scheduling kung saan sa huling araw ng pagsasanay ay naglahad ang mga kalahok ng ng kani-kanilang social media content at calendar para sa kanilang mga ahensya. Siya rin ay nagbahagi ng mga kapaki-pakinabang na Social Media Tools na magagamit sa paghahatid ng mga serbisyong  pang-impormasyon at teknolohiya sa mga kliyente.

Sa pagtatapos ng pagsasanay, bilang kinatawan ni OIC, Training Center Superintendent II/Center Director, Dr. Rolando V. Maningas, nagbigay ng mensahe ng pagbati si Bb. Julie Ann Tolentino, AFU Chief, sa mga matagumpay na nagsipagtapos.

Ginanap ang pagsasanay sa DA-ATI CALABARZON Compound, Brgy. Lapidario, sa lungsod na ito.

Ulat ni: Marian Lovella Parot

 

article-seo
bad