PAGBILAO, Quezon – Isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, sa pakikipagtulungan ng DA-Regional Field Office IV-A at DA-National Organic Agriculture Program (NOAP), ang pagsasanay na “Cultivating Sustainability: Empowering Local Government Units in Organic Agriculture” sa Cortijo de Palsabangon sa bayang ito noong ika-1 hanggang ika-5 ng Hulyo, 2024.
Layunin ng nasabing pagsasanay na madagdagan pa ang kaalaman ng mga kalahok ukol sa mga batas na umiiral patungkol sa pagpapatupad ng Organikong Pagsasaka sa bansa at mabigyan sila ng gabay sa paggawa ng isang enterprise plan.
Nilahukan ang pagsasanay ng mga Provincial OA Focal Person at mga kinatawan ng Municipal Agriculture Office at Chairman na bumubuo sa Committee on Agriculture ng Sangguniang Bayan mula sa iba’t ibang bahagi ng CALABARZON.
Pinangunahan ni NOAP Dir. Bernadette F. San Juan, kasama ang kanyang staff, ang pagtalakay ng mga paksa sa nasabing pagsasanay. Binigyang-diin din ni Dir. San Juan ang mga programang ipinatutupad ng NOAP.
Samantala, bilang bahagi ng pagsasanay, nagsagawa ng farm tour ang mga kalahok sa Yumi’s Farm at PJ Plantation & Bee Farm sa Tayabas City; at sa OA livelihood project ng Quezon Organic Agriculture Cooperative sa Lucban, Quezon.
Ang mga nasabing farm at proyekto ay nagpapakita ng produksyon ng Mokusaku, beekeeping, at vermicompost. Nagkaroon din ng palitan ng kaalaman ang mga kalahok at ang mga nagmamay-ari ng binisitang farms.
Bilang output sa pagsasanay, nagsumite ang mga kalahok ng enterprise plan na kanilang binuo at ibinahagi sa grupo. Nagbigay naman ng mga suhestyon si Dir. San Juan sa mga proyekto na nakatakdang isumite ng mga kalahok sa iba’t ibang attached agencies at bureaus ng DA.
Samantala, nagpahayag ng suporta ang Provincial Agriculturist ng Quezon na si Dr. Anna Liza Mariano sa nasabing gawain. Sa pagtatapos ng pagsasanay, nagbigay rin ng inspirasyon si ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas sa mga kalahok at nagpasalamat sa mga tumugon sa programa ng organikong pagsasaka.
Ulat ni: Soledad A. Leal