Ang Tekniko ng Agrikultura Bayan ng Sining

Thursday, December 7, 2023 - 07:22


ss randy.jpg

Sa panahon ngayon, napagtanto natin na ang pagsasaka ay hindi lamang nagbibigay ng pagkakakitaan sa ani ng lupa, kundi nagbibigay din ito ng ligaya, inspirasyon, at pag-asa. Ang pagtatanim ng binhi ay hindi lamang pagsasagawa ng gawain; ito'y pagsisimula ng isang mas maligayang bukas.

Sa isang natatanging bayan na kilala bilang sentro ng sining sa Lalawigan ng Quezon, may isang binatang puno ng pangarap. Sa kanyang puso, nais niyang magsilbing haligi ng kanyang komunidad sa pamamagitan ng pagtulong sa kanilang magsasaka na mapadali at mapa-unlad ang kanilang kabuhayan.

Si Randy Leonido ay lumaki sa isang pamilya ng magsasaka. Aniya “bata pa lang ako ay katuwang na ako ng aking mga magulang sa pagsasaka tuwang-tuwa ako kapag nakikita ko na lumalaki yung mga tinanim ko at naibebenta ko.” Nang magtapos siya sa mataas na paaralan, nagpatuloy sa kolehiyo at kumuha ng kursong may kinalaman sa agrikultura. Matapos ang apat na taon ay natapos niya ang kursong Bachelor in Agricultural Technology.

 

Landas sa Pagiging Tekniko

 

Nagsimula ang trabaho ni “Kuya Randy” nang matanggap siya sa tanggapan ng kanilang Pambayang Agrikultor. Noong una ay nagsilbi lamang siya bilang job order sa kanilang tanggapan. Ang pagsasaayos ng mga papel ng kanilang tanggapan ang kanyang naging unang trabaho, nung lumaon nagsimula na siyang isama ng kanyang mga kasamahan kapag sila ay nagsasagawa ng mga pagbisita ng mga sakahan sa mga ibat-ibang barangay ng kanilang bayan. Makalipas ang ilang taon, pinalad si “Kuya Randy” na makakuka ng permanenteng posisyon sa kanilang tanggapan at dito na nga nagsimula ang bagong yugto sa kanyang buhay. Muling bumalik sa kanyang isipan ang kanyang pangarap na makatulong sa mga magsasaka sa kanilang bayan.

Aniya, “bilang isang technician, kami yung nagbibigay ng intervention mula sa aming lokal na pamahalaan at nagbibigay ng mga pagsasanay sa mga makabagong makinarya at pamamaraan sa pagsasaka.”

Mga Pagsasanay ng isang Tekniko

 

“Malaki pong bagay sa akin yung mga pagsasanay na aking nilahukan sa DA-Agricultural Training Institute CALABARZON, lalo na po yung AgRiDoc na kung saan itinuro sa akin kung paano maging isang tunay na tekniko. Kami ay nakisalamuha sa mga magsasaka at tumira sa kanila ng ilang araw at pinag aralan ang sitwasyon nila. Nakita ko po na hindi pala biro ang trabaho ng isang magsasaka at doon din naantig ang aking damdamin. Kaya naman nagkaroon ako ng interes na pagbutihin ang aking trabaho.” Napabilang din si Kuya Randy sa mga nagsasanay ng Training of Trainers o TOT tungkol sa Rice, Inbreed Seed, at Mechanization ng Rice Enhancement Competitiveness Enhancement Fund o RCEF. “Malaki po ang naging tulong sakin ng ATI dahil hinubog po nila ako bilang isang tekniko.”

 

Bilang Tekniko ng Rice Enhancement Competitiveness Enhancement Fund o RCEF

 

Taong 2018 nang isinabatas ng pamahalaan ang Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF na isang programa na itinatag ng pamahalaan ng Pilipinas upang suportahan at mapabuti ang sektor ng palay sa bansa. Ang Layunin ng RCEF na mapalakas ang kakayahan ng mga magsasaka na maging mas produktibo at kumita nang maayos sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta sa iba't ibang aspeto ng produksyon ng palay.

Nagsagawa sina “Kuya Randy” ng Farmer Field School (FFS) sa ibat-ibang barangay sa kanilang bayan kung saan tinuruan nila ang mga magsasaka sa mga makabagong tuklas na teknolohiya sa pagtatanim ng palay. Aniya, “nang magsimula ang RCEF, agad kong ginampanan at ibinahagi sa mga magsasaka yung mga makabagong pamamaraan sa pagpili sa malulusog na punla, paghahanda ng lupang taniman, kahalagan ng sabayang pagtatanim,

paglalagay ng sapat na sustanya o tamang pag-aabono, pangagasiwa sa sapat na patubig, pagpuksa sa kaaway na kulisap, pangangalaga sa kaibigang kulisap, proseso sa tamang pag-aani at pamamaraan sa wastong pag iimbak ng palay.”

 

Sa kasalukuyan, mahigit 1,200 na ang mga magsasaka mula sa dalawangput dalawang barangay ang sumailalim sa kanilang FFS sa tulong na din ng TESDA at RCEF. Aniya, sa tulong ng mga programa ng RCEF, nagkaroon kami ng mga makinarya na ginagamit ng aming samahan upang maibsan ang hirap ng kanilang gawain sa pagsasaka. Patuloy rin ang aming pamamahagi ng libreng pananim at pataba. Dahil naturuan namin sila sa tamang pangangalaga ng palay, lumiit ang kanilang gastos nadagdagan pa ang kanilang kinikita dahil tumaas ang kanilang ani.

Mga Kinaharap na Pagsubok

Hindi biro ang nakaatas na responsibilidad kay kuya Randy bilang isang tekniko.ng agrikultura sa bayan ng sining. Aniya, “isa sa mga pagsubok na kinakaharap naming ngayon bilang tekniko ay ang pagbibigay ng payo sa aming magsasaka tungkol sa kanilang itatanim. Ngayong nakakaranas na kami ng pabago-bago ng panahon o yung climate change, nahihirapan na talaga sila dahil hindi pa sila maka-adapt sa naka-gisnan nilang season ng pagtatnim. Pangalawa naman ay yung ibang ugali ng aming farmers, hindi na rin naman bago ito sa aking mga kasamahan sa larangan na , sasabihan ka nila ng hindi maganda o kaya hindi nila susundin yung mga payo na binigay naming, pero ganun pa man iniintindi ko na lang sila, dahil alam naman natin na hindi madaling baguhin yung madalas nilang nakagisnan na gawain. Kaya nga nung nagsagawa kami ng mga FFS nakita nila na may pagbabago nga sa kanilang mga palayan.”

Tagumpay Bilang Tekniko

Taong 2019 nang mabigyan ng parangal si Kuya Randy Bilang “Natatanging Kaagapay na Agricultural Extensiyon Worker” sa Pangbayang Kategorya sa Rice Program ng ATIng Parangal. Ito ay isang kaganapan na idinadaos ng Agricultural Training Institute- 

CALABARZON tuwing ikatlong taon, upang magbigay ng parangal sa mga tekniko ng Rehiyon ng CALABARZON sa kanilang natatanging ambag sa larangan ng pagsasaka sa rehiyon.

Mensahe sa Kapwa Tekniko

 

 ‘’Para sa mga kapwa ko tekniko akoy nagpapasalamat sa inyo dahil kayo ay patuloy sa magandang gawain. Huwag sana kayong sumuko o mawalan ng pag-asa, tuloy-tuloy lang tayo sa kabila ng kahirapan, ating isipin na huwag tayong masanay o dito lang tayo. Naniniwala ako na sa pamamagitan ng ating pagiging tapat sa ating mga gawain, kahit sa pinakamaliit na bagay o tungkulin, darating ang panahon na tayo ay pamamahalain sa malaking bagay, kaya patuloy tayong mag-aral at subukan natin na dagdagan pa ang ating kaalaman para mapaunlad pa ang ating kaisipan upang tayo ay maging matagumpay bilang tekniko.”

Sa ngayon, patuloy si “Kuya Randy” na nagbabahagi ng kaniyang kaalaman sa mga magsasaka ng bayan ng Lucban, bagama’t ang pagiging isang tekniko ay isa sa mga mahirap na trabaho, maswerte tayo at may mga taong pinili ang ganitong sining upang matulungan ang mga magsasaka na mapataas ang kanilang kabuhayan.

 


Story by: