“Ang sining ng pagtuturo ay ang sining ng pagtulong sa pagtuklas [The art of teaching is the art of assisting discovery].” Mark Van Doren, makata, manunulat, at kritiko.
Mula sa pamilya ng mga magsasaka, pangarap ng mga magulang ni G. Abner Javier, 50 taong gulang mula sa Brgy. Balayhangin, Calauan, Laguna, na siya ay makapagtapos ng kolehiyo at tahakin ang ibang propesyon. Sa kanilang pagsisikap, nagtapos sa kursong Bachelor of Education si Abner.
“Sabi ng magulang ko, mahirap magsaka kaya pinag-aral nila ako ng ibang kurso,” ani Abner. “Talagang mahirap, pero nakita ko may potensyal na umangat ang mga magsasaka sa makabagong pamamaraan,” dagdag ni Abner.
Sa kanyang pagsisigasig na maituloy ang hanapbuhay ng kanyang magulang bilang mga magsasaka, kaniyang pinagpatuloy ang nasimulan gamit ang mga makabagong pamamaraan sa agrikultura patungo sa makabago at modernong pagsasaka.
“Dito ako lumaki [sa pagsasaka], dito ko nakita ang kahalagahan ng pagsasaka kaya pinagpatuloy ko at naging Javier Integrated Farm,” pagbabalik tanaw ni Abner.
Pagyakap sa Modernong Pagsasaka
Gamit ang iba’t ibang teknolohiya at pamamaraan sa pagsasaka tulad ng organikong pagsasaka, Good Agricultural Practices (GAP) at integrated farming, matatagpuan sa Javier Integrated Farm ang iba’t ibang tanim na gulay, fruit trees, seedlings, alagang isda, ornamental na halaman, at tanim na palay.
Palay ang pangunahing tanim ng Javier Integrated Farm. Sa kasalukuyan, inbreed seeds ang tanim na palay ni Abner sa kanyang sakahan. “Alam natin na ang inbreed seeds ay subok na at kung ano ang capacity nito,” pahayag ni Abner. Siya ay gumagamit din ng mga makinarya tulad ng drum seeder, transplanter, at combine harvester na malaki ang kabawasan sa kanyang gastusin sa pagtatanim ng palay.
“Ginagawa na namin ngayon ay makabagong pamamaraan ng pagtatanim. Dito nakita ko ang kahalagahan [ng mga makinarya] at kaginhawaan sa mga magsasaka sa pagtatanim ng palay,” diin ni Abner.
Makikita rin sa kanyang palayaan ang iba’t ibang pigmented rice varieties tulad ng black and brown rice na kanilang ibinebenta dahil sa mataas na pangangailangan nito sa merkado. “Nuong una ay pansarili lang na tanim ang mga ito, pero dahil nakita ko na maraming naghahanap dahil sa mga benipisyo nito sa kalusugan kaya isanama ko na rin ito sa aking taniman,” saad ni Abner.
May mga alaganag hayop rin ang Javier Integrated Farm tulad ng kambing, kalabaw, free-range chicken, at baboy. “Mayroon akong mga alagang native na mga baboy at ang mga pakain nito ay kinukuha ko lang sa farm,” kwento pa niya.
Ang bawat espasyo sa bukid ni Abner ay sinisiguro niyang may tanim. Kanya rin pinasok ang pagtatanim ng mga ornamental na mga halaman nuong panahon ng pandemya. “Nakita ko na may potential siyang pagkakitaan dagdag sa ibang high value na tanim,” paglalahad ni Abner.
Sa sistemang integrated farming at diversification, ay nakukuha ni Abner ang buong potensyal ng kaniyang taniman at ito ay nakakabigay ng dagdag kita sa kanya. “Kung ano ang mayroon tayo, pagyamanin mo ito upang maabot mo ang goal mo,” paliwanag ni Abner.
Negosyo sa Pagsasaka
Para kay Abner, ang pagsasaka ay isang negosyo na may malaking potensyal. Sa sistemang integrated farming, nakita ni Abner na ang pagkakaroon ng iba’t ibang tanim sa tamang panahon at tamang plano ay susi sa pagnenegosyo sa pagsasaka.
Bilang kanyang halimbawa, sabay sa kaniyang pangunahing tanim na palay ay ang pagtatanim niya ng iba’t ibang high value crops tulad ng okra at talong sa mga natirang espasyo ng kaniyang sakahan o sa pagpapahinga ng tanim ng palay. “Huwag kang mag-cocentrate sa isang main crop [dapat] meron ka pang second and third na produkto,” banggit ni Abner. “Napakalaking bagay na magdadagdag tayo ng iba pang pagkakakitaan duon sa ating main crops.”
“Kung ano ang available na lugar na pwede [taniman], i-maximize nating lahat. Kung ano ang maaari natin ilagay, dahil iyan ay additional income at napakalaking bagay din na kayo ay mag-rerecord ng inyong farm,” ayon kay Abner.
Gurong Magsasaka
Ang kanyang kurso sa pagtuturo na kanyang tinapos bilang propesyon ay kaniya na rin nagagamit bilang isang gurong magsasaka. “Sa ngayon nagtuturo ako pero sa farming naman,” wika ni Abner.
Bago pumasok muli sa pagsasaka si Abner, siya ay dumadalo na sa mga pagsasanay na isinasagawa ng kanilang Tanggapan ng Pambayang Agrikultor. Simula noon ay naging aktibo sa pamayanan at sa gawaing pang-agrikultura sa bayan ng Calauan at naging bahagi si Abner ng iba’t ibang samahan ng mga magsasaka. Nagsisilbing lugar sanayan din ang Javier Integrated Farm sa mga pagsasanay na isinasagawa ng lokal at panlalawigan na pamahalaan para sa mga magsasaka, mga kababaihan, at mga nagnanais magsimula ng sakahan.
At upang higit pang makatulong sa kanyang kapwa magsasaka at higit sa lahat sa mga nagnanais pasukin ang larangan ng pagsasaka, kaniyang minabuting maging kabahagi at katuwang ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno tulad ng Agricultural Training Institute (ATI) Calabarzon bilang isang Learning Site for Agriculture (LSA) taong 2016 at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang isang Farm School taong 2019.
Kaniya pang dinagdagan ang kaniyang kasanayan sa pagsasaka mula sa mga pagsasanay hatid ng ATI Calabarzon. “Sa mga training, na-improve ko ang sarili ko kaya nakatulong ito upang maging Learning Site for Agriculture ang aming farm,” sabi pa ni Abner.
Ang Javier Integrated Farm ay nagpapatupad ng mga Farmers’ Field School o FFS tulad ng Sustainable Pig Farming (SPF) at sa kasalukuyan ang FFS on Production on High Quality Inbreed Rice, Seed Certification and Farm Mechanization. Ang pagsasanay na ito ay bahagi ng Extension component ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Program ng Rice Tariffication Law. Ang mga kalahok ay nagkakaroon ng aktwal na pag-aaral sa makabagong pamamaraan mula sa pagpupunla hanggang sa pag-aani ng palay, paggamit ng mga makinarya, pamamahala sa patubig, paggamit ng sapat na pataba at pestisidyo.
“Nawala ang kanilang pag-aalala kung paano nila gagawin ang tamang proseso sa kanilang farm,” ani Abner. Sa tulong din ng pag-aaral na ito, ang mga kalahok ay nagkaroon ng tamang kaalaman upang makamit nila ang mataas na ani at kita. “Hindi ito pangkaraniwan na training lang, dito may mga kaakibat na mga learnings na makukuha mo lang sa farming. Kasama rin dito ang farm planning, budgeting, adult learning, at leadership.”
Puso sa Pagsasaka
Sa tamang pamamahala ng sakahan gamit ang mga makabagong teknolohiya at pagkakaroon ng “business mindset”, ang susi ni G. Abner Javier sa tagumpay.
Siya rin ay dumadaan sa mga pagsubok lalo na sa pagiging isang gurong magsasaka na humaharap sa iba’t ibang tao. Ngunit hindi ito hadlang para kay Abner na tumigil sa kanyang adbokasiya na maipaabot ang tamang teknolohiya at impormasyon sa kapwa niya magsasaka at mga kalahok ng pagsasanay.
Dahil bilang isang magsasaka at guro, mahalaga na maipaabot niya ang kanyang kaalaman sa mga nagnanais na matutuo sa pagsasaka gamit ang kanyang sakahan.
“Ang aking amor ay nasa pagsasaka.”
Story by: