Garantisadong Orkanikong Pagsasaka, Swak na Negosyong Kumikita: Ang Kuwento ng Tagumpay sa Pagsasaka ni Agripina Replan-Ochoa

Tuesday, August 20, 2024 - 10:19


SS Agries farm.jpg

 

Pagsasaka ang naging sandalan ni Agripina Replan-Ochoa Agripina o mas kilala bilang Agring, bilang hanap-buhay, nang siya ay magdesisyon na bumalik sa Pilipinas upang makasama ang kanyang mga anak.

Tulad ng lahat ng mga nagsisimula, hindi naging madali ang mga unang hakbang sa pagsasaka. Sa gitna ng mga hamon na kanyang naranasan sa pagsasaka at personal na buhay, hindi siya nagpatinag dito at patuloy na umabante. Sabi nga ng isang kataga, "There is no force more powerful than a woman determined to rise," [Walang lakas na hihigit pa sa isang babae na determinadong bumangon], kaya ang kanyang kuwento ay hindi lamang tungkol sa tagumpay ng isang magsasaka kundi pati na rin sa tagumpay ng pag-asa, determinasyon, at pagmamahal ng isang ina.

Pagsisimula muli ni Agring

Matapos ang labin-dalawang (12) taon bilang Overseas Filipino Worker (OFW), pinili ni Agring na manatili na sa Pilipinas upang kanyang masubaybayan ang paglaki ng kanyang apat na anak.

Dahil sa kanyang hilig sa pag-aalaga ng hayop at paghahalaman na kanya ring nadala habang siya ay nasa ibang bansa, napili ni Agring na tahakin ang pagsasaka, partikular ang pag-aalaga ng baboy. Taong 2006 ng maging magsasaka siya sa Magdalena, Laguna, at kanyang itinayo ang Agrie’s Integrated Natural Farm sa Brgy. Ilog, Magdalena, Laguna.

Matatagpuan sa 1.3 ektarya na sakahan ang iba’t ibang tanim tulad ng cacao, palay, mga taniman ng gulay tulad ng kamatis at talong, at palaisdaan. Dito rin inaalagaan ni Agring ang kanyang mga manok, palakihing baboy at mga katutubong baboy.

Sa kanyang pagsasaka, iba’t ibang teknolohiya ang kanyang isinasagawang pamamaraan tulad ng Sustainable Pig Farming (SPF) o SPF at organikong pagsasaka.

 

Adbokasiya sa Organikong Pagsasaka

Sa kanyang pagsisimula sa pag-aalaga ng baboy, naging hamon kay Agring ang hindi kaaya-ayang amoy ng mga ito na hindi nagustuhan ng kanyang mga katabing bahay. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi sumuko si Agring dahil na rin na siya na lamang ang inaasahan ng kanyang mga anak.

Sa tulong na rin ng pag-alalay ng mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Tanggapan ng Pambayang Agrikultor, na-endorso siya upang dumalo sa pagsasanay ng 'Sustainable Pig Farming' o mas kilala sa babuyang walang amoy noong 2012. Natutunan niya sa pagsasanay ang mga bagong pamamaraan at teknolohiya sa pag-aalaga ng hayop nang hindi nagkakaroon ng amoy at mayroong malaking pakinabang sa kalikasan.

“Habang ako ay nag-aaral, niyakap ko na po yung pamamaraan na itinuturo sa kagustuhan na mawala ang amoy ng mga baboy ko,” ani Agring. Hindi naging madali ang pagbabago ng kanyang pamamaraan ng pag-aalaga ng baboy na mula sa pagpapakain ng commercial feeds patungo sa natural na pagpapakain. “Noong una ay hindi ko pa kaya, pero nakaya ko na siya nuong gumagawa na ako ng [natural] na feeds,” dagdag pa ni Agring. Natuklasan niya na sa pamamaraang SPF, nababawasan ang hindi kaaya-ayang amoy ng “gas” na inilalabas ng baboy, nagiging malakas ang resistensya, at nakakadagdag sa pagtaas ng kalidad ng karne. Higit pa rito, lumiit ang kanyang gastos sa kanyang produksyon dahil gumagamit siya ng mga “bio-organic inputs” tulad Fermented Plant Juice (FPJ), Fermented Fruit Juice (FFJ), Fish Amino Acids (FAA) at mga gulay sa pagpapakain ng kanyang baboy.

Ayon kay Agring, nasa pagkain ang sikreto upang mawala ang amoy ng dumi ng baboy. “Malaki palang tulong ang mga concoction upang mawala ang amoy ng baboy,” ani Agring. “Proud ka na ang binebenta mo ay walang kemikal, at masarap pa,” iyan ang pagmamalaki ni Agring.

Mula sa pamamaraang SPF, hangarin ni Agring na makapagbigay ng sariwa, ginarantiyang organiko, at de-kalidad na pagkain sa mga mamimili.Upang makamit ito, siya ay sumali sa Samahan ng Organikong Industriya ng Laguna (SOIL) bilang miyembro at nakamit ang sertipikasyon sa ‘Participatory Guarantee System’ o PGS para maging ginarantiyang organiko ang kanyang mga produkto.

Sa pamamagitan nito, garantisado ang mga mamimili na organikong pamamaraan ang pag-aalaga ni Agring sa kanyang mga baboy.

Maging ang mga tanim ni Agring na mga cacao ay natural na pataba lamang ang kanyang ginagamit tulad ng dumi ng baboy at vermicompost.

Sinisigurado din niya na ang kanyang sakahan ay may mga tanim na kawayan bilang buffer zone sa mga katabing sakahan.

 

Tagumpay sa Pagsasaka

“Iyan po ang bread and butter ko. Napagtapos ko ang aking mga anak sa pagbaboy lang po,” ani ni Agring. Sa tulong ng pagsasaka, kanyang napag-aral ang kanyang apat na anak hanggang sa kolehiyo. Nakapag-tayo na rin siya ng iba’t ibang pasilidad sa kanyang sakahan tulad ng lugar-pansayanan, mga palikuran, at opisina.

“Ang Agricultural Training Institute (ATI) rin po ang naghubog sa akin para maging empower at paano ka mag-empower,” ani Agring. Malayo na ang narating ng Agrie’s Integrated Natural Farm. Mula sa simpleng sakahan, ito ay isa na ring Learning Site for Agriculture (LSA I) ng Department of Agricultue-Agricultural Training Institute Regional Training Center CALABARZON. Sa tulong na rin ng kanyang pagiging LSA, nagsisilbi itong modelong sakahan para sa kabataan kung paano kumita sa pagsasaka.

Nagtuloy-tuloy na rin ito bilang isang TESDA Farm School noong 2017 at nagpapa-abot ng mga vocational courses patungkol sa pagsasaka sa kaniyang komunidad. “Marami ang nagpapatulong sa akin kung paano mag-umpisa sa pagsasaka. Kailangan po sa umpisa ay kumikita na,”wika ni Agripina.

Aktibo rin si Agring bilang Magsasaka Siyentista (MS) sa programa ng Techno Gabay Program ng DA-ATI CALABARZON. “Naging inspiration ko po iyon na talagang pagbutihin ko ang pag-aalaga ko [sa baboy] at pag-aayos ko sa farm, kasi isa akong MS,” wika ni Agring. “Napakalaking opportunity po na maging president ng MS sa CALABARZON,”dagdag pa niya.

Malaki rin ang naging gampanin ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor at Beterinaryo, maging ang mga pagsasanay ng DA- International Training Center on Pig Husbandry sa pag-unlad ng sakahan ni Agring.

 

Pagpapatuloy ng Pangarap

Sa ngayon, patuloy ang kanyang pangarap na mas mapabuti ang serbisyo at produksyon ng kanyang sakahan. Sa kasalukuyan, makikita na rin sa Agrie’s Integrated Natural Farm ang Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Kiosk, na nilalayon ni Agring na makapaghatid pa ng mga impormasyon sa kapwa niya magsasaka at mga kabataan ng mga moderno at makabagong teknolohiya sa bayan ng Magdalena, Laguna.

Inaasam rin ni Agring na magkaroon pa ng pasilidad tulad ng tulugan upang makapagsagwa siya ng mahahabang pagsasanay at makapaghikayat pa siya ng mga kabataan na pumasok sa pagsasaka.

Tunay nga na sa kabila ng anumang hamon sa pagsisimula ng isang bagay, ipinakita ni Agripina ang determinasyon at pag-asa upang magtagumpay sa buhay.

 


Story by: