"You have to start small, then dream big."
Ang mga katagang ito ang patuloy na nagbibigay ng inspirasyon kay Edelissa A. Ramos, isang Inhinyera na ngayon ay nagsusulong ng Likas-Kayang pagsasaka sa munting bayan ng Candelaria, Quezon. Siya ang may-ari at punong tagapamahala ng Uma Verde Econature Farm.
Pagsusulong ng Likas-Kayang Pagsasaka at IDOFS
Sa kanyang pagsisimula ay batid na ni Edel na nais niyang tahakin ang natural o Likas-Kayang pagsasaka. "A friend of mine introduced me the natural farming system at na-kumbinsi niya ako na mag-farm na rin ako" ani Edel. Sa murang isip, namulat si Edel sa buhay-pagsasaka dahilan sa ang kanyang ama ay may palayan sa Maramag, Bukidnon.
Bunsod ng isang trahedya sa pamilya, dinala ni Edel sa bayan ng Candelaria ang kanyang magulang upang doon ipagpatuloy ang kanilang kabuhayan."Nag-umpisa lang siya [tatay ko] na magtanim ng saging. Habang naghihintay ng baba ng niyog, may saging na pagkakakitaan nya." Noon ang kanilang lupain ay humigit-kumulang 8,000 metro-kuwadrado pa lamang. Ngunit, ani Edel, ito na ang naging hudyat ng paglago ng Uma Verde. Nagsimula na silang magtanim ng ibang fruit-bearing trees at unti-unting nag-alaga ng baboy.
Si Edel ay nakapagtapos ng pagsasanay na Training of Trainers (ToT) on Farm Business School noong Marso 2017, isang programa ng Agricultural Training Institute (ATI) Region IV-A, katuwang ang Villar SIPAG. Ito ay sampung araw na pagsasanay na naglalayong hasain ang mga magsasaka sa sistematikong pamamalakad ng bukirin, tungo sa pagiging isang Agripreneur.
"Natutunan ko sa ToT na kapag nag-alaga ka ng livestock, hindi dapat naka-rely lang sa bibilhin mo na Molasses o Rice Bran. Dapat may sarili ka ring tanim" ani Edel.
Dagdag pa rito, aniya, marami rin siyang natutunan ukol sa pag-resaykel ng mga basura sa sakahan upang gawing organikong pataba. Batid din niya na ang bawat teknolohiya at proseso sa bukirin ay magkakaugnay.
Ang Munting Paraiso ni Edel
Ang Uma Verde Econature Farm ay matatagpuan sa barangay Taguan, Candelaria, Quezon. Pagpasok sa munting paraisong ito ay mararamdaman na ang sariwang samyo ng hangin at makakasalubong ang ilan sa mga grupo ng biik na malayang namamasyal sa kanyang bukid. Dito rin ay makikita ang farm house kung saan nakatira ang buong pamilya, kasama ang kanyang dalawang apo.
Sa paglibot sa farm ay makikita ang kanyang greenhouse na naglalaman ng iba't-ibang herbs at spices, Bahay Kubo na laman ang mga [organikong] gulay sa awiting "Bahay Kubo", iba't-ibang lahi ng manok, kuneho at ang kanyang mga native na baboy. Mula sa dating 8,000 metro-kuwadrado, ngayon ito ay may kabuuang lawak na 3.6 ektarya.
Ani Edel, dati ay sinubok niyang magpalaki ng mga kambing. "Nag-switch ako to native pig production. Hapyaw pa lang ang aking trainings na nasalihan. Pero ang DA at ATI, maraming training na ibinibigay" dagdag niya. Ang native pigs ang pangunahing pinagkukunan ng kita ng pamilya ni Edel.
"Kasi hindi naman nawawalan na every month may birthday o ikinakasal. Naghahanap sila ng pang-litson na native kasi ang trend na ngayon eh ang native na litson ay mas masarap kaysa sa komersiyal na baboy" kwento niya.
Tungo sa Pagkaganap na Lugar-Sanayan
Tangan ang pangarap at kasiglahan sa pagkatuto, aktibo din siya sa social media upang ibahagi ang kanyang adbokasiya. "Once din may makita ako na post sa Facebook patungkol sa pagsasanay sa isang lugar, talagang pinupuntahan namin. Kahit hindi kami kasama sa listahan, [Ma'am pwede ba kahit sit-in lang]."
Noong 2017, naging masuwerteng yugto ito para sa kabuhayan at pagsusumikap ni Edel. Sa ayuda ng Provincial Veterinary Office ng Quezon, ginawaran siya ng Gawad Saka bilang National Outstanding Small Animal Raiser.
”Nung nanalo ako, mas maraming nagpapahalaga sa akin. Ito ay naging isang paraan upang mas lalo pang makilala ang Uma Verde at ako [as a person]" aniya. Dagdag ni Edel, kaniyang pinapahalagahan ang parangal sa pamamagitan ng pagsisilbing tagapagtalakay sa mga pagsasanay, at pagbabahagi ng kaniyang kwento upang magsilbing inspirasyon sa ibang magsasaka.
Hindi matatawaran ang malaking papel na ginampanan ng ATI Region IV-A sa nakamtan na akreditasyon ni Edel. Ayon sa kanya, dati ay hindi siya konektado sa ahensya, ngunit matapos ang kaniyang pagsasanay ng Farm Business School, tuloy-tuloy ang pag-sertipika sa Uma Verde.
Noong May 8, 2017 ginawaran ng ahensya ang Uma Verde bilang isang Learning Site na nakatuon sa Integrated Farming System. Ito ay nangangahulugan na opisyal siyang kabalikat ng ATI Region IV-A sa pagsisilbing modelong bukid na nagpapakita ng iba't-ibang istratehiya at pamamaraang pang-agrikultura, kasabay ng pagtulong sa pag-angat ng maliliit na magsasaka at ibang miyembro sa komunidad. Katunayan, ang Uma Verde ay nagsilbi na ring lugar-sanayan para sa ilang gawain ng ahensya: a) Provincial Consultative Meeting ; b) Training on Apiculture c) Training of Trainers' on Mechanization and Postharvest for Cacao. Bilang karagdagang suporta ay nabigyan din si Edel ng ATI Region IV-A ng incubator para sa kanyang mga native na manok.
Matapos nito, dumaan ang Uma Verde sa serye ng ebaluwasyon upang maging isang Farm School. Di kalaunan ay pinagtibay ito ng TESDA at noong Hulyo 13, 2017 ay isang ganap na lugar-sanayan kung saan maaaring kumuha ng bokasyonal na kursong Organic Agriculture Production NCII. Ito ay katumbas ng 232 oras na pagsasasanay ukol sa pag-aalaga ng organikong manok, pagtatanim ng organikong gulay kasama ang paggawa ng organikong pataba at mga concoctions.
Hindi natapos dito ang pagnanais ni Edel na maging tanyag ang Uma Verde upang maipalaganap ang kaniyang adbokasiya at mga pamamaraang Likas-Kayang pagsasaka. Sa kanyang pagpupursigi ay sinertipika ng Department of Tourism (DOT) IV-A noong Nobyembre 30, 2017 ang Uma Verde bilang isang Agri-Tourism Farm Site.
Ang mga pagkilala na ito mula sa mga kaagapay na ahensya ay patunay na bukod sa karanasan, sumusunod sa mga regulasyon at competency-based learning materials ang mga pagsasanay na isinasagawa sa Uma Verde. Ani Edel, nai-uugnay nila ang mga modyul sa aktuwal na ginagawa sa bukirin, dahilan upang maging credible ang itinuturo nila sa mga magsasaka.
"Ang gagawin lang pala natin, huwag mahihiyang lumapit. Kasi sila, nandiyan para lapitan natin" pahayag ni Edel.
Ayon pa sa kanya, kinakailangan na hands-on ang isang magsasaka sa kanyang bukirin. "Para masubaybayan mo ang process, alaga ka muna ng konting baboy, konting manok, para pag nahasa ka na, alam mo na ang technologies, saka ka mag-start mag-invest." Importante rin aniya na nandoon ang pagmamahal at passion sa bawat ginagawa.
Sa pamamagitan ng kanyang kabuhayan ay unti-unting binubuo ni Edel ang pangarap na munting paraiso para sa pamilya. Nais niya na pag nag-retiro ang kaniyang kabiyak mula sa pagiging isang Overseas Filipino Worker (OFW) ay sama-sama na silang mag-anak na magpapalago ng Uma Verde.
Ang pamamahala ng isang bukirin na nagsusulong ng Likas-kayang pagsasaka ay sumasalamin sa layunin sa buhay ni Edel. "Doon naman talaga nagsimula ang Adam and Eve na nilikha ni God, na nandoon tayo, na maging steward tayo ng kanyang creation. Pangalagaan natin ang kalikasan at ang kaniyang mga nilikha" aniya.
Story by: