CALAMBA CITY, Laguna – Matagumpay na isinagawa ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON sa pakikipagtulungan sa City Agriculture Office ng Calamba, Laguna ang "Seminar on Urban Organic Agriculture Technologies for Indigenous People (IP)" noong ika-31 ng Mayo 2023, sa Covered Court ng Brgy. Makiling, Calamba City, Laguna.
Sa pagbubukas ng aktibidad, malugod na tinanggap ni Bb. Abegail L. Del Rosario, Planning Officer II ng DA-ATI CALABARZON, ang mga miyembro ng komunidad ng Ayta at mga kinatawan ng barangay. Samantala, binigyang-diin naman ni Bb. Aigrette P. Lajara, Barangay Chairwoman ng Makiling, sa kanyang mensahe ang kahalagahan ng ganitong uri ng aktibidad sa IP community.
Tinalakay sa pagsasanay ang mga paksa ukol sa urban gardening, cultural practices at pest management. Nagkaroon din ng aktwal na pagsasagawa ng iba’t ibang concoction tulad ng Fish Amino Acid (FAA), Fermented Plant Juice (FPJ) at Fermented Fruit Juice (FFJ).
“Lubos akong nagpapasalamat sa DA-ATI at City Agriculture Office ng Calamba sa maayos at maliwanag na pagtalakay ng mga paksa. Marami kaming natutunan at umasa kayo na ia-adopt ito ng mga kasamahan ko sa aming pang araw-araw na buhay,” pahayag ni Bb. Fatima Caballero sa kanyang impresyon.
Sa pagtatapos ng programa, pinasalamatan ni Ms. Sally G. Quilay, Agriculturist II, ang mga kalahok sa pagdalo sa aktibidad at umaasa na magagamit nila ang mga teknolohiyang tinalakay.
Ang pagsasanay ay pinangunahan ng Planning Monitoring and Evaluation Unit (PMEU) ng DA-ATI CALABARZON.
Ulat ni: Juvelyn V. Dela Cruz