SILANG, Cavite – Upang opisyal na maisakaturapan ang pagsasara ng libro para sa Fiscal Year 2023, dumalo ang mga kawani ng Administrative and Finance mula sa Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) Central Office at mga Regional Training Center (RTC) nito mula ika-9 hanggang ika-11 ng Enero sa Teofely Nature Farms, Inc.
Layunin ng aktibidad na maiayos at mapagsama-sama ang dokumentong pampinansyal ng bawat RTC at magkaroon ng pangkalahatang report ang ATI na siya namang isusumite sa Kagawaran ng Agrikultura.
Nagbigay ng pambungad na pagbati si Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, samantalang nagpaabot ng mensahe si Engr. Remelyn R. Recoter, Director IV ng DA-ATI Central Office.
Naging sentro ng gawain ang presentasyon ng financial performance ng bawat RTC. Nagbigay rin ng updates tungkol sa budget, accounting, at administrative matters ang Administrative and Finance Division ng DA-ATI Central Office.
Bilang bahagi ng aktibidad, nagkaroon ng talakayan sa paksang advanced writing, communication and presentation skills na pinangunahan ng Information Services Division ng DA-ATI Central Office.
Bumisita rin ang mga kalahok sa dalawang extension partners ng DA-ATI CALABARZON, ang Gourmet Farms, Inc. sa Silang, Cavite at Bounty Harvest Farm sa Indang, Cavite. Ibinahagi ng farm operators ang mga teknolohiya at best practices ng kanilang farm.
Pinangunahan ng DA-ATI Central Office ang nasabing aktibidad, katuwang ang DA-ATI CALABARZON sa pagpapadaloy ng programa.
Ulat ni: Jaypee Patricio