‘Work and Financial Plan’ ng ATI CALABARZON para sa 2024, aprubado na

Mon, 02/05/2024 - 15:36
Work and Financial Plan’ ng ATI CALABARZON  para sa 2024

 

 

DILIMAN, Quezon City – Sa isinagawang “Keeping on Track: ATI’s FY 2023 Annual Performance Review and FY 2024 Commitment Signing” noong ika-31 ng Enero hanggang ika-1 ng Pebrero 2024, kasamang nilagdaan ang ‘Work and Financial Plan’ ng DA-ATI CALABARZON para sa Fiscal Year 2024. 

Pinangunahan ang nasabing aktibidad nina ATI Director IV Engr. Remelyn R. Recoter at Deputy Director Bb. Antonieta J. Arceo, kasama si DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON Center Director Dr. Rolando V. Maningas. 

Nagsilbi namang saksi ang ilang kawani ng sentrong pasanayan, kabilang sina Bb. Abegail L. Del Rosario, Planning Officer II; G. Angelo Hernandez, Project Evaluation Officer I; at G. Jaypee V. Patricio, Administrative Officer II.

Isa sa mahahalagang bahagi ng dalawang araw (2) na gawain ang paglalahad ni Dir. Recoter ng “ATI Thrusts and Priorities for FY 2024 Onwards,” kung saan binigyang-diin niya ang mga direktiba mula sa Kagawaran ng Agrikultura. Kaalinsabay nito ang pagpapaliwanag sa mga estratehiya na isasagawa ng ahensya upang makatulong sa pagkamit ng ‘Masaganang Agrikultura tungo sa Bagong Pilipinas.’

Ibinahagi rin ng Policy and Planning Division sa mga kalahok mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang Fiscal Year 2023 Consolidated Physical Performance. Samantala, pinangunahan naman ng Budget Office ang presentasyon ng Fiscal Year 2023 Overall Financial Performance at aprubadong badyet ng bawat rehiyon para sa 2024. 

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Asst. Dir. Arceo na hindi sapat na maisagawa lamang ang mga nakatakdang gawaing pang-ekstensyon. Aniya, dapat ding isaalang-alang ang naitutulong nito sa pagpaparami ng produksyon ng pagkain at pagpapabuti ng kalagayan ng mga masasaka at mangingisda sa bansa. 

Sa bahagi naman ng DA-ATI CALABARZON, makaaasa ang mga kliyente nito na patuloy na magsasagawa ng mga inobasyon upang maging mas napapanahon at makabuluhan ang mga maihahatid pa nitong serbisyong pang-ekstensyon. 

 

Ulat ni: Bb. Abegail Del Rosario

 

 

article-seo
bad