Pagsasanay ukol sa Participatory Guarantee System, Mas Pinalawig Pa

Tue, 08/30/2022 - 12:09
Pagsasanay ukol sa Participatory Guarantee System, Mas Pinalawig Pa

Muling isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON sa pakikipagtulungan sa Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO) IV-A at Villar SIPAG Farm School ang Training of Trainers on Participatory Guarantee System (PGS) noong ika-15 hanggang ika-26 ng Agosto, 2022 sa Silent Integrated Farm, isang certified Learning Site for Agriculture, na matatagpuan sa Brgy. Dagatan, Liliw, Laguna. Ang pagsasanay ay dinaluhan ng dalawampu’t pitong (27) kalahok mula sa lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Rizal na kinabibilangan ng mga magsasakang bubuo sa PGS Core Group, kinatawan mula sa Office of the Provincial at Municipal Agriculturist, Laguna State Polytechnic University – Siniloan, Laguna at University of Rizal System - Tanay, Rizal.

Nagsilbing mga tagapagtalakay sa loob ng sampung (10) araw na pagsasanay sina G. Arnaldo P. Gonzales, G. Jun Villarante at Bb. Crissel A. Tenolete mula sa DA RFO IV-A. Nagsilbi namang mga tagapagpadaloy ng pagsasanay ang mga kawani mula sa Partnerships and Accreditation Services Section ng ATI CALABARZON.

Nagkaroon ng mga pagtalakay, pagpapalitan ng karanasan, kuro-kuro at workshops upang makabuo ng sipi ng Manual of Operations ang mga nasabing grupo. Nagkaroon din ng aktwal na inspeksyon na tinatawag na “Peer Review” ang mga kalahok patungkol sa PGS na isinagawa sa Gintong Bukid Farm & Leisure sa Brgy. Buboy, Nagcarlan, Laguna. Ito ay isa sa pinaka-tampok na gawain sa isinagawang pagsasanay na kung saan ang mga kalahok ay nagkaroon ng pagkakataon na mai-apply ang kanilang mga natutunan sa pagsasanay at bigyang tuon ang mga nararapat na gawin ng isang peer reviewer.

Samantala, nagpaabot naman ng mensahe ng pagsuporta si Senador Cynthia A. Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture and Food at pangunahing may-akda ng Republic Act 11511, ang batas na nag-amyenda sa Organic Agriculture (OA) Act of 2010.

Pinangunahan ni OIC Training Center Superintendent I Bb. Sherylou C. Alfaro ang pagtatapos ng pagsasanay. Dumalo rin at nagbigay ng mensahe sina Bb. Eda F. Dimapilis, Regional OA Focal Coordinator at G. Marlon P. Tobias, Provincial Agriculturist ng Laguna. Nagpahayag din ng pagbati sa mga kalahok si Dr. Rolando V. Maningas, Training Center Superintendent II ng ATI CALABARZON, sa pamamagitan ng isang recorded message. Aniya, “Alam ko na hindi naging madali ang inyong pinagdaanan at hindi niyo kami binigo sa araw na ito. Mas nanaig ang inyong pagnanais na madagdagan o mag level-up ang inyong kaalaman at mabigyang kakayahan sa pagtatatag at pagpapatakbo ng PGS sa inyong mga lalawigan at bayan.”

Nagpasalamat naman ang mga kalahok sa pamamagitan ng impresyon na inilahad nina Gng. Andrea Katrina Alforte mula sa hanay ng PGS Core Group ng Laguna, Bb. Edna Sanchez ng PGS Core Group ng lalawigan ng Rizal at G. Paulo Oriste mula naman sa State Universities and Colleges.

Layunin ng pagsasanay na mahasa ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok ukol sa pagtatatag at operasyon ng PGS na naaayon sa pambansang pamantayan ng organikong pagsasaka.

Ulat ni: Soledad E. Leal

 

article-seo
bad