TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Ipinagdiwang ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang ika-35 anibersaryo ng institusyon na may temang, “Innovating OneDA Agricultural Extension Strategies Beyond the New Normal.” Isinagawa ang dalawang (2) araw na selebrasyon noong ika-27 at 28 ng Enero, 2022.
“Tatlumpu’t limang taon. Tatlo at kalahating dekada nang naglilingkod ang ATI mula nang maitatag ito noong 1987. ATI has evolved and ensured that its strategies adapt with the changing times. Sa nagdaan na mga taon, ATI CALABARZON has cemented its position in providing premium extension services in the region. Alinsunod sa One DA Reform Agenda, sa taong 2022, ang ATI CALABARZON ay magpapatuloy na pangunahan ang propesyonalisasyon ng sektor ng Agrikultura. Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang para sa pagkakatatag ng ATI, lalo’t higit, ito ay pagdiriwang din ng pag-uugnayan ng iba’t ibang ahensya at private extension partners dito sa ating rehiyon. Sama-samang magtutulungan at magsisikap na patuloy mapaunlad ang kabuhayan ng ating mga magsasaka,” ani ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico.
Sa pagbubukas ng pagdiriwang, inihandog ng ATI CALABARZON ang tatlong (3) episodes ng Alamin nATIn” Webinar Series: Recognizing PGS: Empowering Farmer Groups, Safe Food Now for a Healthy Tomorrow at ASF: What do We Know and Tips for Prevention. Nagsilbing mga tagapagtalakay mula sa ATI CALABARZON sina Gng. Soledad E. Leal, Agriculturist II; Bb. Vira Elyssa L. Jamolin, Training Specialist III at Chief ng Career Development and Management Services Section; at Bb. Marian Lovella A. Parot, Training Specialist I. Nagkaroon din ng Question & Answer sa dulo ng bawat episode para bigyang kasagutan at paglilinaw ang mga katanungan ng mga manonood.
Samantala, sa ikalawang araw naman, naganap ang in-house livelihood seminar kung saan itinampok ang basic baking at meat processing. Sumailalim ang mga kawani ng ATI CALABARZON sa hands-on workshop sa paghahanda at paggawa ng iba’t ibang recipes tulad ng bacon, longganisa, tapa, tocino, embutido, black forest cupcake, swiss at bread roll. Sina Bb. Marjo Mojica, Market Specialist II ng Provincial Veterinary Office ng Cavite, G. Marlon Andaya, Professor mula sa CSTC College of Sciences Technology and Communication Inc., Sariaya, Quezon at G. Guillermo De Castro, Certified Trainer for Bread and Pastry & Culinary Arts, ang mga naging tagapagturo sa nasabing seminar.
Ang webinar series ay napanood sa official Facebook page at AgriStudio Youtube channel. Gayundin, naipalabas ang ilang updates sa livelihood seminar sa official Facebook page ng ATI CALABARZON.