Interns ng YIPOA Batch 2, naglahad ng kanilang business/enterprise plan

Mon, 10/28/2024 - 14:43
YIPOA.JPG

 

LUCENA CITY, Quezon – Inilahad ng 10 interns mula sa ikalawanag pangkat ng Youth Internship Program on Organic Agriculture (YIPOA) ang kanilang business/enterprise plan (BEP) na bahagi ng “Reinforcing Foundations: Benchmarking and Business Plan Presentation of YIPOA Interns Batch 2” na isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON noong Oktubre 16-18, 2024 sa Ouan’s The Farm Resort.

Sa unang araw, nagkaroon ng benchmarking ang mga kalahok sa Ouan’s The Farm Resort na pinangunahan ng farm manager na si G. Glenn Gabales.  Ibinahagi niya ang iba’t ibang farm practices na nakaayon sa Philippine National Standards on Organic Agriculture. Ipinakita rin niya sa mga intern ang area kung saan nagsasagawa ng mga gawain ang kanilang mga intern na si Bb. Camille Maralit at G. Jino Aunzo.   

Sa ikalawang araw, isinagawa ang paglalahad ng BEP sa harap ng mga panelist kasama ang kanilang mga mentor mula sa Adhika Nature Integrated Farm, Agrie’s Integrated Farm, Chad’s Nature Farm, Glinoga Integrated Farm, at Ouan’s The Farm Resort.   

Nagsilbing mga panelist sina G. Brian A. Belen mula sa Marelson Farms; Bb. Abegail L. del Rosario, OIC-Chief ng Partnerships and Accreditation Section (PAS); at Bb. Vira Elyssa L. Jamolin, Chief ng Career Development and Management Section (CDMS); at G. Arnaldo P. Gonzales mula sa DA-Regional Field Office (RFO) IV-A.  

Matapos ang paglalahad, nabigyan ng pagkakataon ang mga panelist na magbigay ng suhestyon at rekomendasyon sa ikatatagumpay ng mga proyekto ng mga intern.  

Sa ikatlong araw naman, sa pamamagitan ng participatory discussion, nagbahagi si Bb. Mariel Celeste C. Dayanghirang, dating Assistant Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ng kaalaman hinggil sa pagpapalalim ng pagkaunawa sa gampanin at layunin ng isang intern. 

Samantala, nagpahayag ng suporta sa mga intern at mentor si Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON. Inaasahan din ni Dr. Maningas na magiging daan ang paglalahad ng kanilang mga BEP upang mas mabigyang-linaw ang mga ito at para sa ikatatagumpay ng mga proyektong kanilang isasagawa sa susunod na taon. 

Pinadaloy ang nasabing gawain ng mga kawani mula sa PAS ng DA-ATI CALABARZON.  

Ulat ni: Soledad A. Leal

 

 

article-seo
bad