SINILOAN, Laguna – Aktibong lumahok ang 200 mga mag-aaral mula sa Siniloan Integrated National High School sa “National Rice Awareness Month (NRAM) Information Caravan” noong Nobyembre 20.
Isinagawa ang aktibidad ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, DA-Regional Field Office (RFO) IV-A, at DA-PhilRice Los Baños bilang pakikiisa sa selebrasyon ng NRAM ngayong Nobyembre.
Layon ng gawain na paigtingin ang pagsusulong ng adbokasiyang “Be RICEponsible: A, B, K, D. Adlay, mais, saba atbp. ay ihalo sa kanin; Brown rice ay kainin; Kanin ay huwag sayangin; at Dapat bigas ng Pilipinas ang bilhin” na siya ring tema ng nasabing caravan.
Kaugnay nito, nagkaroon ng oryentasyon sa NRAM at karera sa larangan ng agrikultura at sabayang pagbigkas ng Be RICEponsible Pledge, at pamamahagi ng promotional materials tulad ng red/black rice, T-shirts, eco-bag, at payong sa mga kalahok, upang mapalaganap ang adbokasiyang “BeRICEponsible.”
Samantala, dinaluhan ang gawain nina Siniloan Mayor Patrick Ellis Go; Municipal Agriculturist Engr. Carlo Realeza; Dir. Rhemilyn Relado-Sevilla, Branch Director ng DA-PhilRice-LB; at Dir. Fidel Libao, Regional Executive Director ng DA-RFO IV-A. Nagpaabot naman ng pasasalamat at pagsuporta sa adbokasiya si DA-ATI CALABARZON Center Director Dr. Rolando Maningas.
Ulat ni: Mary Grace Leidia