Isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON ang taunang konsultasyon sa programa ng mais ngayong ika-23 ng Pebrero, 2022. Ito ay dinaluhan ng labimpitong (17) kalahok mula sa Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO) IV-A, Farmer-Scientists RDE Training Program (FSTP) ng University of the Philippines Los Baños at mga kinatawan mula sa Provincial Agriculture Offices sa CALABARZON. Sa pagsisimula ng programa, nagbigay ng pambungad na mensahe para sa mga kalahok si ATI CALABARZON Center Director Marites Piamonte-Cosico.
Sa unang bahagi ng aktibidad ay tinalakay ng ATI CALABARZON at DA RFO IV-A ang 2021 accomplishments at 2022 target activities. Nagkaroon din ng open forum ang mga kalahok at mga tagapagsalaysay pagkatapos nito. Isa sa naging tuon ng aktibidad ang pagkakaroon ng talakayan sa magaganap na School-on-the Air sa taong 2022. Nagbahagi ang bawat kalahok ng kanilang mga ideya upang maisaayos ang programa at mas lalong maging epektibo sa mga magsasaka ang mais. Ang lalawigan ng Batangas at Laguna ang nagpakita ng interes at nais maging bahagi ng SOA sa pagmamaisan sa kasalukuyang taon.
Sa pagwawakas ng programa, nagpaabot ng mensahe si ATI CALABARZON Assistant Center Director Dr. Rolando V. Maningas. Pinasalamatan niya ang bawat ahensya sa patuloy na pagsuporta sa adhikaing mapaunlad ang agrikultura sa bansa.
Ulat mula kay: Daynon Kristoff S. Imperial, Development Management Officer II