“Pahiyas@ATICALABARZON” noong ika-31 ng Mayo, 2022. Ang nasabing gawain ay naaayon sa Pahiyas Festival ng bayan ng Lucban sa lalawigan ng Quezon bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Magsasaka at Mangingisda ngayong Mayo. Ito ay dinaluhan ng mga mag-aaral (On-the-Job Trainees) mula sa Cavite State University - Indang, mga magsasaka mula sa Brgy. Lapidario, mga kinatawan ng Office of the Provincial Agriculturist ng Cavite at Office of the City Agriculturist ng Trece Martires.
Pinangunahan ni ATI CALABARZON OIC Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang pagbubukas ng programa at binigyang-diin ang kahalagahan ng UrbanATINto Garden na nagpapakita ng iba’t ibang urban agriculture technologies sa rehiyon. Nagpasalamat din si Dr. Maningas sa mga panauhin at mga kalahok na dumalo sa nasabing selebrasyon. Nakiisa sina Assistant Provincial Agriculturist Bb. Ana Pamela Nova at City Agriculturist Gng. Corazon G. Sidamon at mga kasamahan. Samantala, nagpaabot ng pagbati si ATI Deputy Director Gng. Antonietta J. Arceo.
Nilibot ni G. Hans Flores, Agriculturist I, ang UrbanATInto Garden para sa “Kaunting Kahalamanan ni Kuya Hans” at nagbigay ng trivia ukol sa mga teknolohiya na matatagpuan dito. Dagdag pa rito, nagkaroon ng pagluluto ng katakam-takam na recipe, ang Pancit Habhab ng Lucban, Quezon sa Healthy Friday Recipe kung saan ang ilang lahok (ingredients) na ginamit ay naani mula mismo sa nasabing garden.
Bilang pagsusulong ng Urban Agriculture ay nagkaroon din ng Seminar on Urban Agriculture kung saan ay naging tagapagtalakay si Gng. Cynthia Perez mula sa Office of the Provincial Agriculturist ng Cavite.
Itinampok din sa nasabing gawain ang technology demonstration garden na may iba’t ibang palamuti na pinangangalagaan ng mga kawani ng ATI CALABARZON. Nagkamit ng Best Spot sa UrbanATInTo Garden ang Planning, Evaluation and Monitoring Unit sa pangunguna ng Unit Chief Bb. Abigail del Rosario, Planning Officer II. Nagsilbing mga hurado sina Gng. Perez, Bb. Nova at Bb. Editha Paglinawan.
Ang nasabing gawain ay napanood ng live sa official Facebook page ng ATI CALABARZON.
Ulat mula kay: Soledad E. Leal