F2C2: Pagbubuklod ng mga Samahan at Produktong Pang-Agrikultura

Fri, 06/24/2022 - 10:16
F2C2: Pagbubuklod ng mga Samahan at Produktong Pang-Agrikultura

Pormal na binuksan ang 2022 Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program Island-Wide Cluster Summit Luzon B, na may temang "F2C2: A Strategy for Sustained Rural Development," noong ika-21 ng Hunyo, 2022, sa Queen Margarette Hotel, Lucena City, Quezon, sa pangunguna ng Department of Agriculture Regional Field Office (DA RFO) IV-A at Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON. Ito ay nilahukan ng mga kinatawan ng farmer cooperatives and association (FCA), lokal na pamahalaan, pribadong sektor at State Universities and Colleges mula sa rehiyon ng CALABARZON, MIMAROPA at Bicol.

Dumalo sa pagbubukas ng programa sina Dr. Rolando V. Maningas, ATI CALABARZON OIC Center Director; Gng. Nemielynn P. Pangilinan, OIC Division Chief PAD, ATI Central Office; Dir. Shandy M. Hubilla, CESO IV, EnP, F2C2 Program Director; Engr. Abelardo R. Bragas, OIC RTD for Operations and Extension, DA RFO IV-A; Engr. Elmer T. Ferry, RTD for Operations, DA RFO IV-B; at Engr. Arnel V. De Mesa, CESO III, Assistant Secretary for Operations & Regional Executive Director ng DA RFO IV-A.

Ani ASec. De Mesa, "Itong istratehiya ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) ay malaki ang maitutulong para makamit ang effective and efficient farming systems." Samantala, nagbigay din ng mensahe sina Engr. Ariel T. Cayanan, Undersecretary for Operations at Dr. William D. Dar, Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka. Nagsilbing pangunahing tagapagsalita si Senador Cynthia A. Villar, Chair ng Committee on Agriculture and Food.

Dagdag pa rito, binuksan din ang booth exhibit na naglalaman ng iba't ibang lokal na produkto mula sa tatlong (3) nabanggit na rehiyon.

Bilang bahagi rin ng programa, isinagawa ang plenary sessions na may paksang: Access and Availability of Agricultural Credit and Insurance for Farmers to Increase Productivity and Profitability ni G. Mark Louise Semeñano ng ACPC Quezon, Institutional Arrangement / Development ni G. Brian Joseph Quanico, Project Evaluation Officer II ng F2C2 Central; Role of Women in Agriculture ni Bb. Cristina L. Torreda, Founder ng Cristina’s Strawberry Farm; Digital Marketing in Agriculture ni G. John Vincent Q. Gastanes; Cooperative Building and Improving Value Chains in the Context of Clustering and Consolidation ni Bb. Hazel May A. Sastado; at Mga Kwento ng Tagumpay ng kanilang samahan o kooperatiba, kabilang ang Casile-Guinting Upland Marketing Cooperative, LABO Progressive Multipurpose Cooperative at Lourdes Multipurpose Cooperative. Binigyan din ng pagkakataon ang mga kalahok na magtanong sa mga tagapagsalita ukol sa kanilang tinalakay.

Bukod sa talakayan, bumisita rin ang mga kalahok sa tatlong (3) pilot clusters sa CALABARZON: Pangkalahatang Samahan ng Magsasaka ng Siniloan (PASAMASI) sa Siniloan, Laguna, Casile-Guinting Upland Marketing Cooperative (CGUMC) sa Cabuyao, Laguna at Samahan sa Industriya ng Cacao at Pangkabuhayan (SICAP) sa Pagbilao, Quezon kung saan natutunan nila ang istratehiya ng clustering at consolidation gayundin ang mga hakbang sa pagpo-proseso ng cacao, kape at palay na isinasagawa ng mga nasabing samahan. Nagkaroon ng pagbabahagi ng kanilang oberbasyon at karanasan ang mga kalahok ukol sa kanilang pasilidad/sakahang pinuntahan.

Sa pagtatapos ng aktibidad, dumalo si Secretary Dar para magpahayag ng mensahe sa mga kalahok. Nagpahayag din ng impresyon ang ilang kalahok. Nagpasalamat naman si Dr. Maningas sa lahat ng mga magsasaka at naging kaagapay para sa matagumpay na pagpapatupad ng programa. “Umaasa kami na ito ang simula ng mga bagong venture natin sa kanya-kanyang bukid. Sana maging kapaki-pakinabang sa bawat isa ang lahat ng mga narinig, natutunan at naibahagi sa summit na ito. We are hoping na ang ating mga cluster ay magpatuloy sa tagumpay na nasimulan nila sa darating pa na hamon sa sektor ng agrikultura,” saad ni Dr. Maningas sa kanyang pangwakas na mensahe.

Itinatag sa ilalim ng Administrative Order no. 27 series of 2020 na nilagdaan ni Secretary Dar, layunin ng F2C2 na isulong ang istratehiya ng clustering at consolidation sa maliliit na mga magsasaka at mangingisda bilang isang business enterprise.

article-seo
bad