Sa isang payak na pamayanan ng Barangay Potol, Tayabas City, Quezon, may grupo ng kabataan na masidhi ang pagmamahal sa agrikultura. Sila ay mga miyembro ng 4-H Club of the Philippines [Brgy. Potol], isang samahan na sinusuportahan ng Agricultural Training Institute (ATI) sa CALABARZON.
Isa si Angelene Armia sa founding members ng samahan, na naitatag noong 2016. Naniniwala sya na malaki ang papel ng kabataan sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura. “Tayong mga kabataan, mas gusto nating maging professionals: engineer, nurse, o teacher. Ngunit paano na lamang kung wala nang marunong [sa propesyon ng] Agrikultura? Wala nang bubuhay sa ating mga Pilipino. Kaya dapat marunong din tayong magtanim o mag-alaga ng mga halaman sa ating bakuran,” saad ni Angelene.
Pangangasiwa ng Gulayan sa Barangay
Kabilang sa mga proyekto nina Angelene ay ang "Gulayan sa Barangay". Dito ay pinagtutulungan ng bawat miyembro na palaguin ang higit-kumulang 300 metro-kuwadradong taniman ng gulay. May tanim silang kamatis, talong, pechay, mustasa, labanos at okra.
Dahil ang iba sa mga miyembro ay nag-aaral, pinaghahatian nila ang mga gawain sa gulayan tulad ng paglilinis, pagpupunla at pagdidilig.
“Sa pagbebenta ng mga inani naming gulay, masasabi kong isa siyang masayang experience. Natuto kami kung paano paikutin ang pera namin [as an organization]. Natuto rin kaming mag-budget: kung saan namin ilalaan ang aming mga kinita,” kuwento ng dating Presidente ng samahan na si Rose Anne Mangaoang. Dagdag ni Rose Anne, doon sa pagbebenta, nakikita rin nila kung paano nagi-improve at lumalaki ang kanilang pondo na ginagamit para sa kanilang samahan.
Pagpapalakas ng Kakayanan ng mga Kabataang Magsasaka
Isa sa mga tumutulong sa samahan na mapaunlad ang kanilang gulayan ay ang Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Tayabas City. Ang lokal na pamahalaan ng Tayabas City ay nagsasagawa ng mga pagsasanay upang magkaroon ang mga kabataan ng dagdag na kaalaman tungkol sa Urban Agriculture. Ang ilan sa miyembro ay sumailalim din sa mga pagsasanay na isinagawa ng ATI CALABARZON, kabilang na ang Binhi ng Pag-asa Program, at Seminar on Urban Agriculture noong Oktubre 2020.
Ayon kay Krisha Mae Aranilla na kasalukuyang nasa Junior highschool, “Natutunan ko sa seminar [Urban Agriculture] na ito ang pag-maximize ng maliit na espasyo upang may mapagtaniman. Dahil ang pamilya ko ay mahilig kumain ng gulay, nagamit ko agad ang natutunan ko at nagkaroon kami ng maliit na taniman sa tabi ng aming bahay. May tanim kami doong talong at kamatis.” Natutunan naman ni Angelene sa seminar ang paggamit ng mga recycled na bote para mapagtaniman ng ibang gulay. “Tinuro din sa amin na para hindi gaanong ma-peste ang halaman, pwede rin gawing salit-salit ang itatanim. Halimbawa, pagkatapos ng okra, kamatis naman tapos balik sa okra, para maiwasan ang pagkakaroon ng peste,” dagdag niya. Sa pamamagitan din ng pagsasanay ng ATI CALABARZON, napagkalooban ang 4-H Club Barangay Potol ng garden tools: asarol, pandilig, seedling tray at mga binhing pananim.
Bukod sa Urban Agriculture, sinasanay din ang mga kabataan sa pamamaraang organiko. “Since ang Tayabas City ay isang organic zone locality, pino-promote natin ang pag-practice ng organic farming, lalo na sa ating mga kabataan,” kuwento ng 4-H City Coordinator na si Evangeline Roxas. Ayon pa kay Bb. Roxas, aktibo rin ang samahan sa paglahok sa iba pang pagsasanay na isinasagawa ng kanilang opisina tulad ng livelihood trainings, Entrepreneurship at Leadership Seminar, Climate-Change Orientation, Cash for Work katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at digital literacy.
Panghihikayat sa Kapwa Kabataan Tungo sa Agrikultura
Hindi lamang pagkatuto mula sa mga pagsasanay tungkol sa agrikultura ang nakukuha ng mga kabataan mula sa pagsapi sa 4-H Club. Ayon kay Bb. Roxas, holistic ang paghuhubog na ginagawa ng samahan para sa mga kabataang miyembro nito. Paliwanag ni Bb. Roxas, kaya ito tinatawag na 4-H, ang unang H ay kumakatawan sa Head, simbolo ng pagbuo ng tamang mindset ng mga kabataan. Ang ikalawang H ay Heart, simbolo ng tamang paglilingkod sa bayan. Ang ikatlong H naman ay kumakatawan sa Hand, simbolo ng serbisyo nila bilang kabataan at mga inaasahang lider ng pamayanan. At ang huling H ay nangangahulugan na Health, kinakailangang ang kabataan ay buo ang sarili at malusog ang pag-iisip at pangangatawan.
Sa tulong ng samahan, dumarami na ang mga lider-kabataan sa bawat komunidad sa bansa. “Dito ko po na-develop ang kakayanan ko na makipag-communicate sa iba, lumabas, matuto pa at maging isang leader,” masayang pagbabahagi ni Rose Anne na ngayo’y isang ganap na guro na sa mababang paaralan sa kanilang lugar. Kuwento naman ni Jhona Saavedra na isang (1) taon nang miyembro, na-inspire siyang kunin ang kursong Agrikultura pagtapak niya ng kolehiyo. Sa tulong din ng samahan, mas nakilala niya ang kanyang sarili at nagkaroon ng bagong pamilya, sa katauhan ng ibang ka-miyembro niya sa 4-H Club.
“Sana mas marami pang kabataan ang maengganyong sumali sa 4-H Club dahil maraming pwedeng matutunan sa mga pagsasanay na ibinibigay. Dito, mabubuksan din ang iyong kamalayan na kahit bata ka pa, pwede kang makatulong sa pamilya mo sa pamamagitan ng pagnenegosyo at pagtatanim para sa seguridad ng pagkain.”
Sa mga interesadong sumali sa 4-H Club, makipag-ugnayan sa Municipal o City Agriculture Office sa inyong lugar, o bisitahin ang aming website, ati.da.gov.ph/ati-4a/.
Story by: