Miyembro ng 4Ps, Sinanay ukol sa Urban Organic Agriculture

Wed, 09/28/2022 - 04:19
Miyembro ng 4Ps, Sinanay ukol sa Urban Organic Agriculture

Bilang pagsuporta sa pagpapatupad ng Enhanced Partnerships Against Hunger and Poverty (EPAHP) Program, isinagawa ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON, sa pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga lokal na pamahalaan, ang apat (4) na pangkat ng Seminar on Urban Organic Agriculture (OA) sa mga sumusunod: Binangonan, Rizal; Batangas City, Batangas; Lucena City, Quezon; at Cabuyao City, Laguna.

Ang seminar ay dinaluhan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa mga nasabing bayan. Nagsilbing mga tagapagtalakay sina Engr. Pocholo F. Raymundo mula sa Office of the Provincial Agriculturist (OPA) Rizal, Gng. Laura L. Bihis mula sa OPA Batangas, G. Eduardo Paolo Ramos ng OPA Quezon at Gng. Frene C. Dela Cruz at Bb. Rhona May Deveza mula naman sa OPA Laguna. Tinalakay ang mga paksa ukol sa organikong pagsasaka sa urban setting at mga pakitang-gawa ukol sa paggawa ng iba’t ibang organic concoctions tulad ng Fermented Plant Juice, Fermented Fruit Juice at Fish Amino Acids.

“Akala ko dati, mainit talaga ang kamay ko sa mga halaman. Ngayon ko lang nalaman na mali pala ang ginagawa ko kaya di gumaganda ang mga halaman ko. Maraming salamat po ATI CALABARZON sa seminar na ito. Ngayon alam ko na!,” saad ni G. Efren Balmes, isa sa mga kalahok mula sa ikatlong batch ng seminar na ginanap sa barangay hall ng Brgy. Calicanto, Batangas City, Batangas.

Nagpasalamat si OIC Training Center Superintendent I Gng. Sherylou C. Alfaro sa mga kalahok na nagbigay ng kanilang mga oras upang matuto ukol sa organikong pagsasaka. Pinangunahan din niya ang pagbibigay ng sertipiko at starter kits sa mga kalahok.

Ang mga nasabing seminar ay naganap noong ika–13, 16, 23 at 27 ng Setyembre, 2022. Ang naturang pagsasanay ay pinadaloy ng mga kawani ng Partnerships ang Accreditation Section ng ATI CALABARZON.

Ulat ni: Soledad E. Leal

article-seo
bad