CALABARZON Region – “Tunay nga po na pakay ng pamahalaan na tulungan tayong mga magsasaka. Kumbaga ay isinusubo na sa ating mga bibig ang lahat ng mga kakailanganin natin upang tayo ay tumaas ang kita. Kaya’t kung ginagawa ng pamahalaan ang lahat, gawin din po natin ang lahat. Atin pong tugunin, ibalik po natin sa pamahalaan ang kanilang ginagawa sa atin upang sa ganoon po ay tayo’y maging globally competitive na magsasaka at sa ganoon po ay maging self-sufficient sa larangan po ng food security ang atin pong bansa.”
Ito ang pahayag ni Ginoong Mercedito Buhat, Presidente ng Samahan ng Magpapalay ng Ibabang Talim, Lucena City, na nagtapos kamakailan sa School on the Air (SOA) Program ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON at DA Regional Field Office IV-A, “Palay-Aralan: Makabagong Pagsasaka sa Himpapawid.”
Isa siya sa higit kumulang 2,100 na magsasaka, kababaihan sa kanayunan, Agricultural Extension Workers at kabataang magsasaka ang tumanggap ng katibayan ng pagtatapos sa ginanap na seremonya sa probinsya ng Cavite, Laguna at Quezon sa pamamagitan ng face-to-face modality at online platforms [Facebook at YouTube Live].
Ang pagbabahagi ng impresyon ay mahalagang bahagi ng seremonya, kasabay ang pagpapatibay ng pagtatapos, paggawad sa mga natatanging mag-aaral at mga mensahe ng panauhin. Kabilang sa mga dumalo at nagbigay ng mensahe ay ang mga Local Chief Executive ng pinagdausang bayan p syudad, Provincial Agriculturists, Agricultural Program Coordinating Officers o kinatawan, Engr. Nino Bengosta, PhilMech, G. Wilfredo Collado, Chief Science Research Specialist ng PhilRice Los Baños, at Rolando Maningas, PhD, ATI-CALABARZON OIC TCSII/Center Director. Sa isang video message, nagpaabot din ng pagbati si Dir. Remelyn Recoter, OIC-Director ng DA-ATI; at Senator Cynthia Villar, Chairperson, Senate Committee on Agriculture and Food.
Ang mga seremonya na pinangasiwaan ng DA-ATI CALABARZON ay ginanap sa:
October 18, 2022- New Evacuation Center, Dalahican Road, Mayao Crossing, Lucena City
October 20, 2022- Mayor’s Function Hall, Municipal Compound, Naic, Cavite
October 21, 2022 – Municipal Auditorium, Sta. Cruz, Laguna.
Samantala, kasabay na nagsagawa ang 31 na kalahok na lokal na pamahalaan, at apat (4) na kalahok na Farm Schools sa kani-kanilang lugar na dinaluhan ng Municipal/City Agriculturist, LGU representatives at Farm School Cooperators at mga kalahok na magsisipagtapos.
Ang buong implementasyon ng programa ay naging posible sa masusing pakikipag-ugnayan at malakas na suporta ng DA RFO Region IV-A, PhilRice Los Banos, Agricultural Program Coordinating Offices, Philippine Information Agency IV-A, Provincial at Municipal/City Agriculture Offices at ng Tekniko sa Pagpapalay ng mga kalahok na lokalidad at Farm Schools.