Community Groups, Sinanay tungkol sa Urban Gardening Technologies

Thu, 11/17/2022 - 18:30
Ang mga kalahok ng Urban Agriculture Technologies

 CAVITE Province- Bilang tugon sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na palawigin ang mga programa sa seguridad sa pagkain (food security), matagumpay na isinagawa ng DA-Agricultural Training Institute (ATI) - CALABARZON ang pagsasanay sa Urban Gardening Technologies sa tatlong community groups mula sa lungsod ng Imus, Dasmariñas at Gen. E. Aguinaldo.

Ginanap ang tatlong araw na pagsasanay sa DA-ATI IVA compound, Trece Martires City, Cavite. Kabilang sa mga tinalakay sa pagsasanay ang iba’t ibang urban gardening technologies tulad ng container, vertical, raised bed, square foot gardening, edible landscaping, hydroponics at aquaponics. Nagsilbi namang tagapagtalakay ng mga nasabing paksa ang mga kawani ng ahensya at si Gng. Cynthia Perez mula sa OPA- Cavite. Nabigyang pagkakataon din ang mga kalahok na makapagsagawa ng aktwal na paghahanda ng mga punla at natural pataba.

Layunin ng pagsasanay na maitaas ang kapasidad at kaalaman ng mga kalahok sa iba’t ibang urban gardening technologies na angkop sa kanilang komunidad. Ang pagsasanay na ito ay bilang pagsuporta sa mga community groups na siyang magiging benepisyaryo ng mga proyekto sa ilalim ng Urban Agriculture.

Pinangunahan ni OIC TCS II/Center Director Rolando Maningas, PhD ang pagsasanay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng makabuluhang mensahe sa mga kalahok. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagtatayo ng mga community-based urban garden upang makatulong sa pagtugon sa seguridad sa pagkain di lang sa rehiyon kundi sa buong bansa. Inaasahan sa susunod na mga araw na magkakaroon ng pagpapatibay ng ugnayan sa pagitan ng mga grupo at DA-ATI CALABARZON at paggawad ng mga suporta na mga agri inputs, gardening tools at binhing pananim.

Ginanap ang pagsasanay noong ika-14 hanggang 16 ng Nobyembre 2022 sa lungsod ng Trece Martires.

Ulat ni: Vira Elyssa Jamolin

article-seo
bad