Dolores, Quezon - Upang maturuan ang mga magsasaka ukol sa mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka, isinagawa ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang Digital Farmers Program (DFP) 101 sa Dolores, Quezon noong ika-18 ng Nobyembre, 2022.
May kabuuang dalawampung (20) magsasaka at kabataan ang lumahok sa pagsasanay. “Natutunan ko yung applications na magagamit sa maaaring maging panahon dito sa bayan ng Dolores sa pamamagitan ng Accuweather o Payong Pag-asa at saka yung pagsusukat ng lupa sa tulong ng GPS Field Measurement,” pagbabahagi ni Bb. Noemie Letargo, isa sa mga kabataang kalahok sa programa.
Nagsilbing mga tagapagtalakay sina Bb. Jamila Balmeo, Information Officer II; Bb. Maridelle Jaurigue, OIC Chief ng Information Services Section / Media Production Specialist II; at G. Hans Flores, Agriculturist I. Binigyang-tuon sa DFP 101 ang smartphone, accessing the internet, basic agriculture-related applications at social media marketing.
Dumalo sa pagtatapos ng programa si Dr. Rolando V. Maningas, OIC Training Center Superintendent II / Center Director. Saad niya, “itong programa ng DA sa pamamagitan ng ATI at Smart Communications, Inc. ay hangarin na iparating ang iba’t ibang digital applications para magamit at makatulong sa inyong pagsasaka.”
Ang DFP ay proyekto ng DA-ATI at Smart Communications Inc. Siyam (9) na pangkat ng DFP 101 ang naisagawa ng DA-ATI CALABARZON simula 2019. Samantala, pangatlong pangkat naman ang Dolores sa lalawigan ng Quezon, sumunod sa Lucena City at Gumaca.