Kaalaman at Pagtatanim sa Organikong Pamamaraan, Ibinahagi sa mga Senior Citizen

Wed, 11/30/2022 - 08:50
Kaalaman at Pagtatanim sa Organikong Pamamaraan, Ibinahagi sa mga Senior Citizen

SARIAYA, Quezon – Ang isa sa mga kinakaharap na hamon ng mga senior citizen ay ang kawalan ng mapagkukunan ng masustansyang pagkain. Ito ay bunga ng kawalan o kahirapan sa paghahanap ng pagkakakitaan dahil sa kanilang edad. Ito rin ang dahilan kung bakit ang mga senior citizen ay nabibilang sa marginalized na sektor ng lipunan. Malaki ang naitutulong ng pagkakaroon ng kaalaman sa organikong pagtatanim sa kagalingan ng mga may edad, lalo na sa kanilang kalusugang pang-emosyon, pangkaisipan at pangkapaligiran. Ang mga senior citizen na nagsasagawa ng aktibidad sa hardin ay nakakatanggap ng magagandang benepisyo kagaya ng pagkakaroon ng masustansyang pagkain, pakikipag-ugnayang pisikal at mental at katipiran sa gastusin.

 

Bilang tugon sa layunin ng Kagawaran ng Pagsasaka na maisama ang mga marginalized na sektor sa mga benepisyaryo ng kanilang mga serbisyo, ang Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ay nagsagawa ng “Agri-Wellness Seminar on Organic Vegetable Production for Senior Citizens” noong ika-29 ng Nobyembre, 2022. Ang pagsasanay ay may layuning madagdagan ang kaalaman ng mga kalahok tungkol sa kahalagahan, prinsipyo, at mga gawain sa organikong pagtatanim. Sa tulong ng mga tekniko ng Sariaya, itinalakay ang iba’t ibang pamamaraan sa organikong pagtatanim, kasama na rin ang mga organikong pataba, pestisidyo at ang paggawa ng compost pit.

 

Ang pagtatapos ng pagsasanay ay dinaluhan ni DA-ATI CALABARZON OIC Training Center Superintendent II / Center Director Dr. Rolando V. Maningas at OIC Municipal Agriculturist ng Sariaya, Quezon Gng. Nelia Oribe. Ang mga kalahok ay nakatanggap din ng starter kit na kinabibilangan ng mga butong pananim, seedling tray, gardening tools at soil media na magagamit nila sa pagsisimula ng kanilang pagtatanim.

 

Ang Agri-Wellness Seminar on Organic Vegetable Production for Senior Citizens ay sa pakikipagtulungan sa Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Sariaya, Quezon. Ang pagsasanay ay pinangasiwaan ni G. Angelo H. Hernandez, Monitoring and Evaluation Officer sa ilalim ng Planning Monitoring and Evaluation Unit, bilang Project Officer, sa tulong ni G. Mervin B. Vitangcol, Training Specialist I, mula sa Partnerships and Accreditation Section, bilang katuwang sa pagpapadaloy ng pagsasanay.

 

 

Ulat ni: Angelo H. Hernandez

 

article-seo
bad