TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Upang mapalakas ang pagbabahagi ng kaalaman sa sektor ng paghahayupan, pormal na nilagdaan ng mga kinatawan ng Opisina ng Panlalawigang Beterinaryo ng CALABARZON at Department of Agriculture- Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang pagtatatag ng Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Kiosks sa kani-kanilang tanggapan noong ika-12 ng Disyembre ng taong kasalukuyan.
Ang FITS Kiosk ay magbibigay ng serbisyo patungkol sa pamimigay ng Information and Education Communication (IEC) materials katulad ng mga babasahin patungkol sa paghahayupan sa mga kliyente at pagpapakilala ng mga knowledge resources tulad ng mga libreng online courses mula sa e-Learning ng DA-ATI.
“Rest assured po na pagyayamanin po ng Provincial Government of Cavite at i-maximize po ang range na ma-reach po natin na mga magsasaka,” ayon kay Dr. May M. Magno, Provincial Veterinarian mula sa Cavite.
Malugod na tinanggap ni OIC, Training Center Superintendent II/Center Director ang limang Opisina ng Panlalawigang Beterinaryo sa Techno Gabay Program (TGP) bilang mga tagapagpatupad ng programa.
“Natutuwa po kami at finally nakasama na po ang livestock particularly ang ProVet sa FITS dahil matagal na namin itong naririnig,” pagbabahagi ni Bb. Evangeline Bantigue mula sa Opisina ng Panlalawigang Beterinaryo ng Batangas.
Nagsilbing kinatawan si Dr. Annie Y. Ligeralde ng Panlalawigang Beterinaryo ng Rizal at buo ang pagsuporta ng lalawigan ng Quezon sa pamamagitan ng mainit na pagtanngap ni Dr. Flomella A. Caguicla, MSc sa nasabing programa.
Sa pagkakatatag ng limang (5) FITS Kiosks, mayroon nang 52 FITS Kiosks sa rehiyon CALABARZON sa kasalukuyan.