SILANG, Cavite - Isinagawa ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON ang Year-End Review on Regional Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Extension Services Program (RCEF-RESP) Activities cum RCEF Farm School Owners Cluster Meeting and Consultation" noong ika-14 hanggang ika-16 ng Disyembre, 2022 sa Teofely Nature Farm, Silang, Cavite.
Pinangunahan ni OIC Training Center Superintendent II / Center Director Dr. Rolando V. Maningas ang pagbubukas ng programa. Dalawampu’t limang (25) kinatawan ng farm schools at Provincial Agriculture Offices mula sa lalawigan ng Cavite, Laguna at Quezon ang dumalo at nakiisa sa nasabing gawain. Inilahad ng bawat ahensya mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños, DA Regional Field Office IV-A, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) at ATI ang updates at accomplishments para sa kasalukuyang taon.
Nagpaabot ng mensahe si PhilRice Los Baños Director Remelyn Sevilla-Relado sa mga kalahok, gayundin si TESDA Provincial Director ng Quezon Dr. Gerardo Marasigan sa pamamagitan ni Bb. Myla Canzana. Nagbigay naman ng pagsuporta si Kgg. Cynthia A. Villar, Chair Senate Committee on Agriculture and Food.
Sa pagtatapos ng aktibidad, nagbigay ng impresyon si Bb. Suzette Sales ng Sweet Nature Farm. Anya, "Maraming salamat sa ATI. Palagi kaming nai-inspire sa inyong mga gawain. Kami ay laging magsusumikap dahil sa inyong mga pinapakita sa amin na kasipagan at commitment.”
Layunin ng programa na magkaroon ng talakayan sa pagitan ng RCEF-RESP Implementing Agencies (IAs) at RCEF Farm School (FS) owners. Dagdag pa rito, mailahad din ang kalagayan at mga naisagawa ng mga tagapagpatupad ng RCEF-RESP sa rehiyon ng CALABARZON. Ang gawain ay pinadaloy ng mga kawani mula sa Partnership and Accreditation Section (PAS) ng DA-ATI CALABARZON.
Ulat ni: Mary Grace P. Leida