TRECE MARTIRES CITY, Cavite- Dalawampu’t limang (25) kalahok ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Farmer Field School (RCEF-FFS) sa lalawigan ng Laguna at Quezon ang sumailalim sa limang araw na “Refresher Course on Rice Integrated Pest and Nutrient Management for RCEF-FFS Implementers.”
Ayon kay G. Darren B. Bayna, Project Officer ng pagsasanay, layunin ng pagsasanay na hasain ang kakayahan at madagdagan pa ang kanilang mga kaalaman sa Pamamahala ng Peste at Sustansya ng Palay. Ilan sa mga naging paksa sa pagsasanay ay ang Key check 5 o Pamamahala sa Sustansya at Key check 7 o Pamamahala sa Peste. Dagdag pa rito, nagkaroon rin ng pagtalakay sa Balance Fertilization Strategy (BFS) Program.
“Malaking tulong sa kagaya ko bilang trainer ang naganap na pagsasanay na eto sapagkat madami ang nadagdag sa aking kaalaman na higit na makakatulong sa ating mga kapwa magsasaka. Taos puso po ang aking pasasalamat sa DA-ATI Calabarzon sa pangunguna ng ating Center Director, Dr. Rolando Maningas at sa buong grupo sa pagpapaunlak na maging bahagi ng programang ito. Nangangako po ako na aking ibabahagi ang lahat ng ito sa abot ng aking makakaya,” ani Agatha Cristie Gonzales, isa sa mga kalahok mula sa Sweet Nature Farms, Sta. Maria, Laguna.
Nagsilbing mga tagapagsalita ang mga eksperto mula sa Panlalawigang Tanggapan ng Agrikultor ng Cavite, Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) IV, at Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Sa pagtatapos ng programa, nagpahatid naman ng suporta si DA-ATI CALABARZON Center Director, Dr. Rolando V. Maningas sa pamamagitan ng isang mensahe para sa mga kalahok, at higit sa lahat, sa mga ahensyang tagapagpatupad ng programang RCEF sa kanilang bayan.
Detalye: Darren B. Bayna