Mga Magsasaka mula sa Tiaong, Quezon, Nagsipagtapos sa “Package Technologies on Rice & Duck Production and Agroenterprise”

Thu, 04/27/2023 - 16:03
Package tech rice.jpg

TIAONG, Quezon – Matagumpay na naisagawa ang dalawang (2) pangkat ng "Training on Package of Technologies for Rice and Duck Production & Agroenterprise Development” sa pamamagitan ng Partnerships and Accreditation Section (PAS) ng Department of Agriculture–Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON sa pakikipagtulungan sa DA-Philippine Rice Research Institute Los Baños (DA-PhilRice LB) at DA-Regional Field Office (DA-RFO) IV-A Research Division. Ang pagsasanay ay nagsimula noong ika-24 hanggang ika-26 ng Abril, 2023. Ito ay ginanap sa Quezon Agricultural Research and Experiment Station (QARES), Brgy. Lagalag, Tiaong, Quezon.

Sa pagsisimula ng pagsasanay, nagbigay ng mensahe ng pagsuporta si Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA ATI-CALABARZON. Aniya, “Nagagalak kami dahil binibigyan ninyo ng importansya ang pakikiisa at pakikilahok sa mga programa ng Kagawaran kagaya ng ganitong gawain.” Dumalo rin sina Bb. Elizabeth Gregorio ng Field Operation Division DA RFO IV-A; Bb. Irish C. Hernandez ng Agricultural Program Coordinating Office (APCO) Quezon; G. Wilmer Faylon ng QARES; at Dr. Michelle Quimbo ng PhilRice Los Baños.

Sa araw ng pagtatapos, ibinahagi ng mga piling kalahok ang mahahalagang natutunan nila at kanilang pasasalamat. Ani ni Bb. Francisca Cabrera, magsasaka mula sa Brgy. Lalig, “Isa ako sa nawalan na ng pag-asa noong panahon na tinamaan ng black bug ang aming palayan. Sunod-sunod na pagkalugi at gusto ko ng sumuko. Pero dahil sa mga training na ito, ito ay malaking tulong sa amin upang kami ay lalong magpursige na bumangon at magsumikap na magkaroon pa ng additional income upang ang pamumuhay naming magsasaka ay ma-uplift at hindi laging nasa baba”. Nagbigay naman ng mensahe ng pagsuporta si Dir. Rhemilyn Relado-Sevilla, Branch Manager ng PhilRice Los Baños. Saad niya "Sama-sama tayo. Kapit-bisig para sa isang magandang industriya ng pagpapalay kung saan lahat tayo ay magkakaroon ng Masaganang Agrikultura, Maunlad na Ekonomiya at higit sa lahat maayos at maginhawang buhay para sa ating lahat!”

Bilang pangwakas na pananalita, inihatid ni Dr. Maningas ang kanyang mensahe at pag-abot ng kanyang buong pusong pasasalamat sa lahat ng naging bahagi upang maging matagumpay ang nasabing pagsasanay.

Ang nasabing gawain ay nilahukan ng limampung (50) mga magsasaka ng palay mula sa Barangay ng San Jose, Lalig, Bula, Palagaran at Bulakin sa Tiaong, Quezon. Layunin nito na isulong ang rice-duck technology bilang pamuksa sa mga pesteng kuhol at rice black bug sa palayan. Dagdag pa rito ang mahikayat magnegosyo ang mga magsasaka ng palay at duck by-products gaya ng milled rice, fresh eggs, balut, salted eggs, duck meat, at duckling.

Ulat ni: Mary Grace P. Leidia

 

article-seo
bad