Masaganang Coco-buhayan: Radyo Eskwela sa Pagniniyugan, Malapit ng Mapakinggan

Thu, 04/27/2023 - 21:43
Coconutsoa01

LUCENA CITY, Quezon – Pormal na inilunsad ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON katuwang ang Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV ang School-on-the-Air (SOA) on Coconut, “Masaganang Coco-buhayan: Radyo Eskwela sa Pagniniyugan noong ika-26 ng Abril, 2023, sa Ouan’s Worth Farm, Lucena City, Quezon.

Dumalo at nagbigay ng mensahe sina Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON; G. Bibiano C. Concibido, Jr., Regional Manager III ng PCA Region IV; Gng. Ma. Ana Balmes, DA Regional Field Office IV-A High Value Crops Development Program Focal Person; at Gng. Ma. Leonellie G. Dimalaluan, Assistant Provincial Agriculturist ng Quezon. Samantala, nagbigay rin ng mensahe at pagsuporta si Hon. Cynthia A. Villar, Chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food. Pinasinayaan din ng iba’t ibang Implementing Agencies sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) ang nasabing paglulunsad.

Nagpahayag naman ng pakikiisa at buong suporta ang mga ilang kinatawang magniniyog sa pagpapatupad ng programa. Ang mga kalahok na bayan mula sa lalawigan ng Quezon ay binubuo ng Lucban, Mauban, Tayabas City, Dolores, San Antonio, Sariaya, Catanauan, General Luna, Unisan, Gumaca, Lopez at Tagkawayan.

“Ako ay nakikiisa sampu ng aking mga kasamahan dahil alam namin na napakaganda ng programang ito para sa ikauunlad ng lahat ng ating mga magniniyog. Buong pasasalamat at pakikiisa ang aking maipapangako sa pagsisimula ng School-on-the-Air at para sa pagkakaroon ng totoong masaganang coco-buhayan,” ani Bb. Luzviminda Villapando mula sa San Antonio, Quezon.

Samantala, ibinahagi ni Bb. Jamila Balmeo, Project Officer, ang nilalaman ng programa kabilang ang mga paksang pag-aaralan, araw at oras ng pakikinig at radio station.

Ang Masaganang Coco-buhayan: Radyo Eskwela sa Pagniniygan ay mapapakinggan simula ika-25 ng Mayo, 2023 hanggang ika-28 ng Hulyo, 2023, tuwing Huwebes at Biyernes sa ganap na alas dose ng tanghali hanggang ala una ng hapon (12:00 nn - 1:00 pm). Sabayan din itong mapapanood sa official Facebook page at AgriStudio Youtube channel ng DA-ATI CALABARZON. Layunin ng program ana maipaabot sa mga kalahok ang angkop na impormasyon at teknolohiya sa pagniniyugan.

 

article-seo
bad