TIAONG, Quezon – Pormal na inilunsad ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON katuwang ang Philippine Carabao Center (PCC) ang School-on-the-Air (SOA) on Dairy Buffalo Production, “CaraWOW! Radyo Eskwela sa Gatasang Kalabaw” noong ika-19 ng Mayo, 2023, sa Calungsod Integrated Farm, isang certified Learning Site for Agriculture (LSA) sa Tiaong, Quezon.
Dumalo sa nasabing paglulunsad at nagbigay ng mensahe sina Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON; Dr. Eric Palacpac, Chief ng Knowledge Management Division mula sa PCC Central; at Dr. Thelma Saludes, Center Director ng PCC-UPLB. Dagdag pa rito, nagpaabot din ng pakikiisa at pagsuporta si Hon. Cynthia A. Villar, Chairperson ng Senate Committee on Agriculture and Food.
“Naglaan tayo ng ganitong programa para masiguro na ang mga nag-aalaga ng kalabaw ay mabigyan pa ng karagdagang kaalaman upang mas mapaunlad pa ang industriya ng gatasang kalabaw sa rehiyon ng CALABARZON,” batid ni Dr. Maningas sa kanyang pambungad na pananalita.
Samantala, ipinaliwanag ni Bb. Jamila Balmeo, Project Officer, ang nilalaman ng programa tulad ng mga paksang pag-aaralan, guro at katuwang na radio station. Nagpahayag naman ng aktibong pakikilahok ang mga piling mag-aaral.
Katuwang sa pagpapatupad ng programa ang PCC, DA-Regional Field Office IV-A, Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas at Quezon sa pamamagitan ng kanilang Office of the Provincial Veterinarian at Office of the Provincial Agriculturist at mga lokal na pamahalaan kabilang ang General Trias City, Tanza at Maragondon sa Cavite; Magdalena, Laguna; Rosario, San Juan at Lobo sa Batangas; at Sariaya, Mauban at Tayabas City naman sa Quezon.
Ang CaraWOW: Radyo Eskwela sa Gatasang Kalabaw ay mapapakinggan simula ika-27 at 28 ng Hunyo, 2023 hanggang ika-15 at 16 ng Agosto, 2023, tuwing Martes (10:00 am - 11:00 am) at Miyerkules (12:00 nn - 1:00 pm) sa Radyo Natin Laguna 106.3 FM at 95.1 Kiss FM. Sabayan din itong mapapanood sa official Facebook page ay AgriStudio Youtube channel ng DA-ATI CALABARZON, gayundin sa official Facebook page ng DA-Philippine Carabao Center.