Rice Farmers Association sa Morong, Rizal at San Juan, Batangas, Handa ng Ipatupad ang Digital Farmers Program

Mon, 06/26/2023 - 17:19
Rice Farmers DFP

NAGCARLAN, Laguna – May kabuuang dalawampu’t anim (26) na mga miyembro ng Samahan ng mga Pangulo ng mga Magsasaka ng Morong, Rizal at Brgy. Ticalan Farmers Association ng San Juan, Batangas ang nagsipagtapos sa Digital Farmers Program (DFP) Training (Training on Package of Technologies) noong ika-21 hanggang ika-23 ng Hunyo, 2023 sa Gintong Bukid Farm and Leisure, Nagcarlan, Laguna. Layunin ng pagsasanay na turuan ang dalawang (2) samahan patungkol sa DFP upang maipatupad sa kanilang bayan.

Sa pagbubukas ng programa, nagbigay ng mensahe si Bb. Sherylou C. Alfaro, OIC Assistant Center Director ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng makabagong teknolohiya upang makatulong sa pagsasaka.

Sa loob ng tatlong (3) araw na pagsasanay, tinalakay ang mga paksa sa ilalim ng DFP 101 at 102. Ibinahagi ni Bb. Jamila Balmeo, Information Officer II, ang DFP Overview, Smartphone 101, Accessing the Internet (Facebook, Google, Youtube), Internet Safety Tips, Basic at Advanced Social Media Marketing. Samantala, ipinaliwanag naman ni Bb. Michelle Macalagay, Technical Support Staff I, ang Basic Agri Apps (Payong PAGASA, Accuweather, GPS Fields Area Measure, elearning), DFP 102 Overview, Advanced Agri Apps (SPIDTECH, Plant Doctor, Moet App, Binhing Palay, AgriDoc App at iba pa), E-Commerce Platforms (eKadiwa ni Ani at Kita, Shopee, Lazada) at Maya. Gumawa ng social media marketing plan at online posters ang mga kalahok gamit ang Canva application.

Para sa ikatlong araw, sumailalim sa demo-back session ang siyam (9) na grupo ng mga kalahok, kung saan nagsilbi silang tagapagtalakay ng kaukulang paksa sa ilalim ng DFP. Nagbigay naman ng kanilang komento at suhestyon ang mga tagapagsanay na sina Bb. Balmeo at Bb. Macalagay.

“Kayo ay magiging instrumento para maipaabot ang angkop na impormasyon at mas mapaigting ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya para sa modernisadong pamamaraan ng pagsasaka sa inyong komunidad,” ito ang binitiwang mensahe ni Dr. Rolando V. Maningas, Training Center Superintendent II / Center Director, sa mga nagsipagtapos.

Ang DFP Training (Training on Package of Technologies) ay pinangunahan ng Information Services Section ng DA-ATI CALABARZON. Ang DFP ay proyekto ng DA-ATI at Smart Communications, Inc.

 

article-seo
bad