TRECE MARTIRES CITY, Cavite – Naging pokus ng apat (4) na araw na pagsasanay na "SkillsUp: Training Course on Information, Education and Communication (IEC) Materials Development using Online Graphic Design Platform (Beginner Level)" ang paggawa ng brochure at “reels” sa social media bilang bahagi ng pagpapalakas ng kakayahan ng mga kawani mula sa Farmers’ Information and Technology Services (FITS) Centers at Kiosks sa CALABARZON. Sumailalim sa pagsasanay ang dalawampung (20) kalahok mula sa FITS Centers, Kiosks at mga piling kawani ng DA-ATI noong ika-25 hanggang ika-28 ng Hulyo, 2023 sa DA-ATI CALABARZON, Trece Martires City, Cavite.
Ayon kay Bb. Janine Cailo, Project Officer, layunin ng programa na maging daan ang pagsasanay higit sa lahat para sa mga kalahok na nagsisimula pa lamang sa graphic designing at video editing na mapataas ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok sa paggawa ng IEC materials gamit ang online graphic platform tulad ng Canva at paggawa ng maikling video sa pamamagitan ng reels.
Nagsilbing mga tagapagtalakay sina Bb. Jamila Monette Balmeo, Information Officer II, na ibinahagi ang paksang “Introduction to IECs." Matapos nito, ay ibinahagi naman ni Bb. Jene Michelle Macalagay, Technical Support Staff I, ang paksang “Elements and Principles of Graphic Design." Dagdag pa rito, ipinaliwanag ni G. Joe Kim Cristal mula sa FITS Center Candelaria, Quezon ang “Graphic Designing using Canva” at paggawa ng Facebook at Instagram Reels ni G. Mark Angelo Ramos o Agrineed, isang content creator.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, nag-iwan si Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng DA-ATI CALABARZON, ng isang paalala sa mga kalahok sa kanilang mahalagang tungkulin at responsibilidad bilang FITS Centers at Kiosks. “Ating isipin na ang bawat IEC material na ating nilikha ay may kaakibat na responsibilidad na makapagbigay ng tama at angkop na impormasyon na ating ibinabahagi ay may malaking potensyal na makapagbago at makaapekto sa buhay ng ating mga magsasaka at mangingisda. Bilang FITS Center at Kiosks, tayo ay may malaking gampanin sa ating komunidad upang itaguyod ang mga kaalaman sa pagsasaka at pangingisda,” saad ni CD Maningas.
Inaasahan sa pagtatapos ng mga kalahok sa pagsasanay ay makabuo sila ng mga babasahin patungkol sa mga teknolohiya sa pagsasaka at “reels” na kanilang gagamitin sa kanilang opisyal na Facebook page.
Ulat ni: Janine L. Cailo