TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Bilang kabahagi sa implementasyon ng pambansang programa sa Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP), ipinaabot ng DA-ATI CALABARZON ang suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng "proposal grants" sa limang (5) Learning Sites for Agriculture (LSAs) sa rehiyon.
Sa isinagawang ceremonial Memorandum of Agreement (MOA) Signing and turn-over ng “Enhancement Support to Coconut-based Learning Site for Agriculture (Coco-LSA),” tinanggap ng Omaña Farm Corp., BCB Abundant Greens Flower Farm, Kititay Farm, BB Agriventures OPC at Calungsod Integrated Farm ang suporta mula sa ahensya para sa kanilang proyekto sa ilalim ng CFIDP.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni DA-ATI CALABARZON Center Director, Dr. Rolando V. Maningas, ang kanyang buong pagsuporta sa mga sakahan na magpapalawig ng programa para sa mga magniniyog ng CALABARZON. “Naniniwala ako na ang bawat isa ay may kakayahang dalhin ang tulong na ito sa mga magniniyog sa kanya-kanyang lugar at umaasa kami na magsimula ito ng mas marami pa nating interbensyon. Umaasa ako na ang mga Coco-based LSA ay maging ‘bearer’ ng mga farmer-level trainings natin, in support sa mga coco trainings,” ani Dr. Maningas
Limang (5) proyekto ang nakaabang na masisimulan at inaasahang matatapos sa susunod na tatlong (3) buwan. Ang mga proyektong ito ay naglalayong madagdagan ang kaalaman at kahusayan ng mga magniniyog sa rehiyon.
Isinagawa ang gawain sa sentrong pansanayan ng DA-ATI CALABARZON sa lungsod ng Trece Martires ng ika-8 ng Agosto taong kasalukuyan.
Ulat ni: Ric Jason Arreza at Hans Christopher Flores