NAGCARLAN, Laguna- Bilang tagapanguna sa pagpapatupad ng Rice Extension Services Program (RESP) sa ilalim ng Rice Competitive Enhancement Fund (RCEF), isinagawa ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON katuwang ang DA-PhilMech ang apat (4) na araw na pagsasanay na “Specialized Training Course on Farm Machinery Operation” na ginanap sa Gintong Bukid Farm & Leisure, Barangay Buboy.
Sinanay ang 25 mga kalahok na farm owners at trainers mula lalawigan ng Laguna at Quezon patungkol sa makabagong makinarya sa pagpapalayan, tulad ng makinarya sa paghahanda ng lupa, pagtatanim, pag-aani at paglilinis, pagtutuyo, at pag-iimbak ng inaning butil o palay. Nagkaroon din sila ng praktikal na gawain sa tamang paggamit ng mga makinarya tulad ng four-wheel tractor, walk-behind rice transplanter at combine rice harvester.
Sa pagtatapos ng pagsasanay, sinabi ni DA-ATI CALABARZON Center Director, Dr. Rolando V. Maningas na “Sa huli, dalangin po namin na katulad ng mga makabagong makinarya, ay ang magpatuloy kayo bilang mga tagapagsanay na “determinado”, at may di matatawarang kontribusyon sa pagpapaunlad ng pagpapalayan sa ating bansa at tandaan po natin na marami tayong mga kasangga, mga kaibigan at mga ahensya na gagabay at patuloy na aagapay sa inyong patuloy na pag-arangkada!”
Ang mga kaalaman at naging karanasan ng mga kalahok ay makakatulong sa patuloy na pagpapatupad ng RCEF-Farmer Field School na mas maging epektibo ang pagbabahagi nila ng kaalaman tungkol sa mga makabagong makinarya sa pagpapalayan sa kani-kanilang komunidad.
Ginanap ang nasabing gawain noong ika-1 hanggang ika-4 ng Agosto 2023.
Ulat ni Darren B. Bayna