LIPA CITY, Batangas - Pormal na sinimulan ng Agricultural Training Institute (ATI) CALABARZON katuwang ang National Meat Inspection Service (NMIS) ang Basic Meat Inspection Course (BMIC) noong ika–1 ng Agosto, 2022 sa NMIS Office, Lipa City Batangas. Dinadaluhan ng dalawampung (20) piling Agricultural Extension Workers (AEWs) mula sa iba't ibang bayan sa CALABARZON ang pagsasanay.
Mainit na pagtanggap at hamon sa kasalukuyang sitwasyon ang iniwang mensahe ni Dr. Eduardo R. Oblena, NMIS IV-A Regional Director, sa mga kalahok sa pagsisimula ng pagsasanay. Nagpahayag naman ng pasasalamat at pagsuporta sa mga kalahok at katuwang sa pagsasanay si Dr. Rolando V. Maningas, ATI CALABARZON OIC Center Director.
Ang pagsasanay ay gaganapin sa loob ng dalawampung (20) araw na binubuo ng dalawang (2) bahagi, ang sampung (10) araw na talakayan ng paksa sa proseso ng Meat Inspection hanggang Meat Safety and Quality Assurance. Samantala, ang huling sampung (10) araw naman ay ang aktwal na pagsasagawa o practicum ng mga kalahok mula sa mga naitalakay sa paksa. Layunin ng pagsasanay na mahubog ang kaalaman at kasanayan ng mga kalahok na maging ganap na meat inspector sa kani-kanilang lugar.
Inaasahan ang bawat kalahok na makumpleto at makapasa sa bawat pagsusulit sa pagtatapos ng pagsasanay sa ika-26 ng Agosto, 2022. Ang mga kalahok ay makakatanggap ng 32 Continuing Professional Development (CPD) units. Ito rin ay ang ika-27 na pangkat ng pagsasanay hatid ng NMIS.
Nilalaman: Diane Mariz De Castro
Edited: Vira Jamolin / Jamila Balmeo