TRECE MARTIRES CITY, Cavite - Ang Agricultural Training Institute (ATI) Region IV-A katuwang ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) Los Baños ay nagsagawa ng "Capability Enhancement Course for Agricultural Extension Workers (Approaches to Integrated Nutrient Management for Rice)” noong ika-8 hanggang ika-11 ng Agosto, 2022. May kabuuang dalawampu’t lima (25) na teknikong pansakahan mula sa probinsya ng CALABARZON ang nagsipagtapos sa pagsasanay.
Pinangunahan ng ATI CALABARZON OIC-Center Director, Dr. Rolando V. Maningas kasama si Bb. Soledad Leal, OIC Chief ng Partnerships and Accreditation Services Section ang pagtatapos ng pagsasanay. Pahayag ni Gng. Sonia Catchuela sa kanyang impresyon, “Ang refresher course na ito ay napapanahon at napakalaking tulong hindi lamang sa mga AEWs kundi lalong higit sa mga magsasaka, sapagkat ang isa sa mga pinakamabigat na suliraning nararanasan sa ngayon ay ang sobrang mahal ng presyo ng abono.”
Gamit ang Zoom application, nagbigay din ng pagbati at mensahe ang Branch Director ng PhilRice Los Baños na si Bb. Rhemilyn Relado sa mga nagsipagtapos. “Gamitin natin ang experiences natin para mapaigting pa ang pagseserbisyo sa ating mga magsasaka. Kami ay umaasa na kayo ang magiging ekstensyon ng ATI at PhilRice. Kayo ang magiging mata namin, tenga, bibig, kamay at paa sa lahat ng farming community na inyong nirerepresent. Mula po sa puso ng PhilRice, congratulations sa lahat!”
Ang pagsasanay na ito ay nagsilbing daan upang ang mga kalahok ay magkaroon ng sapat na kaalaman at kasanayan sa mga konsepto at gawain ng Balanced Fertilization Strategy (BFS) at Integrated Nutrient Management base sa rekomendasyon ng Sistemang PalayCheck. Ito rin ay isang accredited training program ng Professional Regulation Commission kung kaya naman ang mga kalahok ay may makakatanggap na 12 Continuing Professional Development (CPD) points.
Nilalaman: Mary Grace Leidia