555 coconut farmers sa Quezon, nagtapos sa Radyo-Eskwela ng DA-ATI CALABARZON

Fri, 09/22/2023 - 08:43
555 coconut farmers sa Quezon, nagtapos sa Radyo-Eskwela ng DA-ATI CALABARZON

 

LUCENA CITY, Quezon – Matapos ang 10 linggong pagsasahimpapawid ng mga aralin ukol sa produksyon ng niyog, nagtapos na ang 555 mga magniniyog sa lalawigan ng Quezon para sa “Masaganang Coco-buhayan: School-on-the-Air (SOA) on Coconut Production and Processing” na ginanap sa Quezon Convention Center, Setyembre 20.

Nagmula ang mga nagsipagtapos sa 12 mga bayan at lungsod sa Quezon: Lucban, Mauban, at Tayabas City sa Unang Distrito; Sariaya, Dolores, at San Antonio sa Ikalawang Distrito; Catanauan, General Luna, at Unisan sa Ikatlong Distrito; at Tagkawayan, Lopez, at Gumaca sa Ikaapat na Distrito.

Nilalayon ng nasabing radyo-eskwela na pandayin ang kaalaman at kasanayan ng mga magniniyog sa pamamagitan ng pagbabahagi ng angkop na impormasyon at teknolohiya sa produksyon ng niyog.

“Ito man ang araw ng inyong pagtatapos, hudyat naman ito ng simula sa patuloy na pagsusumikap upang mas madagdagan ang mga kaalaman, tulad na lamang ng puno ng niyog na patuloy sa paglaki, hanggang sa siya’y maging matayog, matatag, at namumukod-tangi sa ibang puno,” pahayag ni Dr. Rolando V. Maningas, Center Director ng Department of Agriculture – Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON, sa kanyang mensahe para sa mga nagtapos.

Dinaluhan din ang nasabing pagtatapos nina Philippine Coconut Authority (PCA) - Region IV Regional Manager III G. Bibiano Concibido, Jr.; Senior Administrator G. John Francis Lozano bilang kinatawan ni Gob. Angelina “Doktora Helen” Tan; Quezon Provincial Agriculturist Dr. Ana Clarissa Mariano; at Gng. Ma. Anna Balmes mula sa DA-Regional Field Office IV-A bilang kinatawan ni Regional Executive Director Milo Delos Reyes.

Nagpaabot din ng mensahe sa pamamagitan ng video message sina DA-ATI Director IV Engr. Remelyn R. Recoter at Senate Committee on Agriculture and Food Chairperson Sen. Cynthia A. Villar.

Kaugnay nito, nagsimulang umere ang “Masagang Coco-buhayan” noong ika-25 ng Mayo hanggang ika-28 ng Hulyo, 2023 na binubuo ng dalawampu’t walong (28) mga aralin na ibinahagi ng 33 radio teachers.

Ilan sa mga naging paksa ang itinatakda ng Republic Act No. 11524 o ang “Coconut Farmers and Industry Trust Fund Act,” crop insurance, training programs/farm schools, at iba pang programa sa ilalim ng Coconut Farmers and Industry Development (CFID), at pest and disease management.

Bukod sa simulcast sa Facebook page at YouTube channel ng Department of Agriculture - Agricultural Training Institute (DA-ATI) CALABARZON, umere din ang programa sa 95.1 Kiss FM, Radyo Natin Laguna 102.5 FM, Tagkawayan Teleradyo 101.7 FM, at Channel 9 Cable TV.

Pinangunahan ang radyo-eskwela ng Information Services Section (ISS) ng DA-ATI CALABARZON. Naging katuwang naman sa pagsasakatuparan nito ang PCA Region IV, kasama ang Office of the Provincial Agriculturist (OPA) ng Quezon at mga coordinator ng 12 local government units (LGUs) sa lalawigan.

Isa ang SOA sa mga inisyatiba ng DA-ATI upang makapaghatid ng angkop na extension services sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng distance learning.

Samantala, maaari namang i-access ang mga larawan ng ginanap na pagtatapos sa pamamagitan ng link na ito:  https://drive.google.com/drive/folders/17W32IP0Mm5v-a_IjVVce-PWJs8wVRbfz

 

Ulat ni: Archie C. Linsasagin

 

article-seo
bad